Latest News

OCTA: Nationwide COVID-19 positivity rate, umakyat na sa 19.3%

By: Philip Reyes

Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group na umakyat pa sa 19.3% ang nationwide COVID-19 positivity rate ng bansa noong Mayo 6.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Guido David nitong Linggo, nabatid na ito ay 1.5 puntos na pagtaas mula sa dating 17.8% nationwide positivity rate na naitala ng Department of Health (DOH) noong Mayo 5.


Iniulat rin naman ni David na nakapagtala ang bansa noong Mayo 6 ng 1,878 bagong kaso ng COVID-19, na mas mataas sa naitalang 1,563 lamang noong Mayo 5.

Sa kabuuan, mayroon nang 4,100,868 na total COVID-19 cases ang bansa.

Sa naturang bilang, 10,195 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.


May siyam na pasyente naman ang naitalang namatay sa sakit noong Mayo 6, sanhi upang umabot na sa 66,453 ang total COVID-19 deaths ng bansa.

Nasa 833 naman ang naitalang bagong gumaling sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, ang Pilipinas ay mayroon ng 4,024,220 total COVID-19 recoveries.


“May 6 2023 DOH reported 1878 new cases, 9 deaths (0 in NCR) 833 recoveries 10195 active cases. 19.3% nationwide positivity rate. 807 cases in NCR, 149 in Cavite, 142 in Rizal. Projecting 1400-1600 new cases on 5.7.23 #COVID19 #covid,” tweet pa ni David.


Tags: OCTA Research Fellow Guido David, OCTA Research Group

You May Also Like