Latest News

OCTA: Nationwide COVID-19 positivity rate, tumaas pa sa 14.3%

By: Philip Reyes

Tumaas pa sa 14.3% ang nationwide COVID-19 positivity rate ng Pilipinas nitong Biyernes, Abril 28.

Sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group, nabatid na ito ay pagtaas sa 13.5% nationwide positivity rate na naitala sa bansa noong Abril 27.

Halos triple na ito sa 5% threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO).

“Apr 28 2023 DOH reported 858 new cases, 0 deaths (0 in NCR) 525 recoveries 5293 active cases. 14.3% nationwide positivity rate 331 cases in NCR, 55 in Laguna, 49 in Cavite. Projecting 1000-1200 new cases on 4.29.23,” tweet ni David nitong Biyernes ng gabi.

Samantala, ang COVID-19 positivity rate naman sa National Capital Region (NCR) ay tumaas na rin sa 14.3% hanggang nitong Abril 27.

Ito ay mula sa dating 9% lamang noong Abril 20.

“NCR weekly positivity rate up to 14.3% as of April 27, 2023. This is up from 9% on April 20,” tweet ni David.

Sa kabila naman nito, ang magandang balita aniya ay nananatiling mababa ang COVID-19 deaths at hospitalizations sa NCR na nasa 22%.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Nauna rito, nilinaw ng Department of Health (DOH) sa publiko na ang positivity rate ay hindi kumakatawan sa populasyon ng buong Pilipinas.

“It’s really affected by a lot of factors at hindi po natin dapat ginagamit na ‘yan lang ang basihan para masabi natin kung ano ang sitwasyon sa ating bansa. It would be unfair for our local governments and our other sectors kung magdedeklara tayo na magpapapanic na tayo, na high risk na tayo, just because of our positivity rate,” paliwanag pa mi DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Tags:

You May Also Like

Most Read