Bumaba pa sa 4.1% na lamang ang seven-day positivity rate ng bansa sa COVID-19.
Ito ay batay sa datos ng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay David, hanggang nitong Enero 14, 2023 ay nasa 4.1% na lamang ang positivity rate ng COVID-19 sa Pilipinas, o yaong porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Mas mababa ito ng isang puntos kumpara sa 4.2% nationwide positivity rate na naitala noong Enero 13, 2023.
Aniya pa, nakapagtala rin ang bansa ng 368 bagong kaso ng sakit nitong Sabado, sanhi upang umabot na sa 4,070,136 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang kabuuang bilang, 12,473 na lamang ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.
Mayroon rin namang 22 mga pasyenteng ang namatay dahil sa sakit, kaya’t umaabot na sa 65,575 ang total COVID-19 deaths na naitala sa Pilipinas. Tatlo aniya dito ay naitala sa National Capital Region (NCR).
Nakapagtala rin naman ang bansa ng 398 bagong recoveries kaya’t sa ngayon ay nasa 3,992,088 na ang total COVID-19 recoveries.
Ayon kay David, base sa kanilang projections, maaaring makapagtala ang bansa ng mula 350-450 bagong kaso ng sakit ngayong Linggo, Enero 15, 2023.
“Jan 14 2023 DOH reported 368 new cases 22 deaths (3 in NCR) 398 recoveries 12473 active cases. 4.1% nationwide positivity rate. 105 cases in NCR. Projecting 350-450 new cases on 1.15.23,” tweet pa ni David. (Philip Reyes)