OCTA: Lingguhang COVID-19 positivity rate sa NCR, tumaas sa 14.5%

Iniulat ng indipendiyenteng OCTA Research Group nitong Biyernes na tumaas ang lingguhang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).

Batay sa datos na ibinahagi sa Twitter ni OCTA Fellow Dr. Guido David, nabatid na ang weekly positivity rate ng COVID-19 sa NCR ay tumaas sa 14.5% hanggang noong Setyembre 14, mula sa dating 12.7% lamang noong Setyembre 7.


Ayon kay David, ang dating peak ng positivity rate sa NCR ngayong wave na ito ay nasa 17.5% noong Agosto 5.

Dagdag pa niya, mayroong posibilidad na ang kasalukuyang resurgence ay lumampas pa sa naturang bilang.

“The previous peak in positivity rate in the NCR during this wave was at 17.5% on August 5. There is a possibility that this current resurgence will exceed this number,” aniya pa.


Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa karamdaman, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Samantala, ang reproduction number naman sa rehiyon ay umakyat din sa 1.14 hanggang noong Setyembre 12, mula sa dating 1.03 lamang noong Setyembre 5.


Ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan ng virus.

Anang OCTA, nananatili pa rin naman ang NCR sa moderate risk sa COVID-19 sa average daily attack rate (ADAR) na 6.12 kada 100,000 populasyon.


“The ADAR in the NCR is now at 6.12 per 100K, considered MODERATE,” aniya pa.

Ang one-week growth rate naman sa NCR ay tumaas rin ng sa 18% mula sa dating -4% noong nakaraang linggo.

Ang healthcare utilization naman ay tumaas rin sa 39% o 2,522 okupadong beds hanggang noong Setyembre 14, mula sa dating 36% o 2,319 okupadong beds noong Setyembre 5, habang ang ICU occupancy rate naman ay tumaas sa 33% mula sa dating 24%, sa nasabi ring panahon.



Sa kabila nito, nilinaw naman ni David na ikinukonsidera pa rin itong mababa.

Dagdag pa niya, ang pagtaas ng mga kaso sa NCR ay inaasahang magdudulot rin ng katumbas na pagtaas ng mga impeksiyon sa mga katabing rehiyon.

“The rise in cases in the NCR is likely to cause a corresponding rise in infections in nearby regions; Rizal and Bulacan are currently on an uptrend,” anito pa.

Una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) nitong Miyerkules na natatanaw na nila ang nalalapit na pagtatapos ng pandemya ng COVID-19, kaya’t hinikayat ang mga bansa sa buong mundo na samantalahin na ang naturang pagkakataon.

“We have never been in a better position to end the pandemic… We are not there yet, but the end is in sight,” ayon pa kay WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus. “If we don’t take this opportunity now, we run the risk of more variants, more deaths, more disruption, and more uncertainty.” (Philip Reyes)

Tags: OCTA Research Group

You May Also Like