MAY nakitang bahagyang pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at ilang lalawigan sa bansa.
Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research batay sa kanilang monitoring sa sitwasyon ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Ong, nasa .7 ang reproduction rate na naitala na medyo bahagyang umakyat subalit hindi naman aniya dapat agad ikaalarma.
“Sa ngayon ang minomonitor namin ay iyong NCR, Cavite, Rizal , Cotabato,Zamboanga at Batangas. Tinitingnan natin kung ano ang magiging trend sa mga areas na iyon in the next three to five days,” ani Ong.
Mahigpit aniya nilang tututukan ang mga probinsiya at rehiyon sa mga susunod na araw hanggang sa mismong araw ng eleksiyon para mabantayan kung tumataas o hindi ang antas ng kontaminasyon sa COVID-19.
Sinabi ni Ong na ang bahagyang pagtaas ng mga kaso ay bunsod na rin ng mga mass gathering at mga aktibidad sa kampanya ng mga kandidato para sa nalalapit na eleksiyon.
Mahalaga aniya na panatilihin ang pagsusuot ng face mask para may proteksyon laban sa COVID-19.
“As we have determined even before, iyong mass gathering at iyong campaign-related activities are kumbaga, where the infections can be transmitted. We must still wear our masks,” dagdag ni Ong.














