Nasa moderate risk na ang COVID-19 positivity rate ng National Capital Region (NCR) matapos na bumulusok pa sa 16.8% ang 7-day positivity rate hanggang nitong Hunyo 3.
Ayon sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Lunes, ito ay malaking pagbaba mula sa 21.7% na positivity rate na naitala sa rehiyon noong Mayo 27.
Bukod sa NCR, bumaba rin at nasa moderate risk na ang positivity rates sa Bulacan (mula 22.1% noong Mayo 27 ay naging 19.9% na lamang noong Hunyo 3); La Union (24.5% – 17.4%); Rizal (30.8% – 18.5%); at Tarlac (21.2% – 15.6%).
Habang bumaba rin naman ang positivity rates sa karamihan sa mga lalawigan sa Luzon, kabilang ang Batangas (30.9% – 20.5%); Benguet (28.3% – 22.7%); Cagayan (27.6% – 27.2%); Camarines Sur (43.1% – 34.3%); Cavite (33.9% – 26.2%); Laguna (29.0% – 22.5%); Oriental Mindoro (55/6% – 43.2%); Palawagan (29.8% – 29.6%); Quezon (46.2% – 29.8%) at Zambales (24.8% – 21.6%).
Kaugnay nito, tumaas naman ang positivity rate sa Isabela (46.4% – 47.9%); Pampanga (26.8% – 27.5%); at Pangasinan (20.9% – 23.2%).
Samantala, iniulat rin ni David nitong Linggo ng gabi na ang nationwide positivity rate sa Pilipinas ay nasa 18.1% nitong Hunyo 4 mula sa dating 18.6% noong Hunyo 3.














