Latest News

OCTA: COVID-19 positivity rate sa NCR, bumaba pa sa 10%

Iniulat ng OCTA Research Group nitong Lunes na bumaba pa sa 10% na lamang ang positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Base sa datos ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter Account nitong Lunes, nabatid na mula sa dating 12.3% noong Oktubre 22, ay bumaba pa sa 10% na lamang ang positivity rates sa NCR noong Oktubre 29.

Ang positivity rates ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga taong naisailalim sa pagsusuri laban sa sakit.


Gayunman, naobserbahan naman aniya nila ang pagtaas ng positivity rates ng COVID-19 sa ilang lalawigan, kabilang ang Benguet, Cebu, Isabela at Negros Occidental.

“Positivity rates as of October 29, 2022 vs Oct 22. NCR had a decrease from 12.3% to 10%. Increases observed in Benguet, Cebu, Isabela, Negros Occidental,” ani David.

Nabatid na ang Benguet ay nakapagtala ng 21.1% na pagtaas ng positivity rate noong Oktubre 29, mula sa dating 7% lamang noong Oktubre 22 habang ang Cebu naman ay nakapagtala ng 10.3% na positivity rate noong Oktubre 29 mula sa dating 8.5% lamang lamang noong Oktubre 22.

Ang Isabela na dati nang mataas ang positivity rate sa 20.7% noong Oktubre 22 ay lalo pang tumaas at naging 33.9% na noong Oktubre 29 habang ang Negros Occidental na dating may 10% lamang na positivity rate noong Oktubre 22 ay nakapagtala ng 15.4% na positivity rate noong Oktubre 29.


Nakapagtala naman nang lalo pang pagtaas ng positivity rate ang Misamis Oriental na mula sa dating 23.2% ay naging 25.3% na sa nasabing mga petsa, habang bahagyang pagtaas ang naitala sa Iloilo na mula 15.2% ay naging 15.4%.

Samantala, bumaba ngunit nananatili pa ring mataas ang positivity rate sa Aklan na mula sa dating 29.5% noong Oktubre 22 ay naging 29.3% na lamang noong Oktubre 29; gayundin sa Camarines Sur na mula sa dating 35.7% ay naging 34% na lamang sa mga nasabing petsa.

Bagamat bumaba rin, pinakamataas pa rin ang positivity rate sa Tarlac, na mula sa dating 50.6% noong Oktubre 22 ay naging 36.8% na lamang noong Oktubre 29.

Samantala, nakapagtala rin naman nang pagbaba ng positivity rates ang Bataan, Batangas, Bulacan, Cagayan, Cavite, Davao del Sur, La Union, Laguna, Pampanga, Pangasinan, Rizal, South Cotabato at Zambales.


Tags: OCTA Research Group

You May Also Like

Most Read