Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Martes na bumaba na sa 5.8% ang seven-day positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), nitong unang linggo ng taong 2023.
Sa datos na ibinahagi ni OCTA fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, sinabi nito na ang positivity rate sa NCR ay bumaba sa 5.8% nitong Enero 7, 2023, mula sa dating 9.1% noong Disyembre 31, 2022.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Samantala, ang positivity rates sa Batangas, Bulacan, Ilocos Norte, at Pangasinan ay naitala na sa “low” level, na nangangahulugang mas mababa na ito sa 5% threshold.
Ang Bulacan ang nakapagtala ng pinakamababang datos na nasa 3.5%, na pagbaba mula sa dating 4.4% noong nakaraang linggo.
Ang mga lalawigan naman ng Albay, Bataan, Benguet, Cagayan, Camarines Sur, Cavite, Isabela, La Union, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Quezon, at Rizal ay pawing nakapagtala rin nang pagbaba ng positivity rates.
Sa kabila nito, ikinukonsidera pa rin namang mataas o nasa high levels, ang positivity rates sa Isabela, na nasa 35.1%, at Albay, na nasa 25.6% naman.
“NCR 7-day positivity rate in NCR decreased from 9.1% as of Dec 31 2022 to 5.8% as of Jan 7, 2023. Positivity rates in Batangas, Bulacan, Ilocos Norte, Pangasinan reached LOW levels while Albay, Isabela still at HIGH,” tweet pa ni David. (Jaymel Manuel)