Latest News

OCD, NAKA-RED ALERT; 8,000 BGY APEKTADO NG BAGYONG ‘EGAY’

By: Victor Baldemor Ruiz

INILAGAY ng Department of National Defense sa ilalim ng ‘red alert’ status ang buong puwersa ng Office of Civil Defense dahil sa posibleng epekto ng bagyong ‘Egay’ sa may 8,000 barangay sa buong bansa na maaring magpasidhi sa epekto rin ng habagat.

Sa ulat ng Office of Civil Defense kahapon, nasa 8,000 barangay ang maaring maapektuhan ng dalawang weather system na tatama sa bansa ngayong linggo.


Ayon kay OCD spokesperson Edgar Posadas, nasa 6,748 barangay na nasa 10 rehiyon ang makakaranas ng epekto ng typhoon ‘Egay’ at Southwest Monsoon o Habagat, kabilang dito ang Ilocos, Cordilleras, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas at Eastern Visayas, habang nasa 1,421 barangays din sa Metro Manila ang maapektuhan na siyang dahilan kaya inilagay ang ahensiya sa red alert status, upang matutukan ang pagkilos ng bagyo habang papalapit sa kalupaan ng Pilipinas.

Kaugnay nito ay inatasan ng OCD ang kanilang mga civil defense personnel sa Metro Manila at Visayas, kasama ang mga tanggapan ng gobyerno na nasa ilalim ng National Risk reduction Mangement Council sa panahon ng kalamidad, na maghanda at tuloy-tuloy bantayan ang bagyo at habagat.

Maging ang Department of Interior and Local Government naglabas ng direktiba sa mga local government na maging mapagmatyag at magsagawa ng mga paghahanda para sa bagyo.


“Ang panawagan po natin, kung manawagan po sa kanila ang mga kinauukulan, huwag na po tayong magdalawang-isip na lumikas dahil para rin naman iyon sa ating kaligtasan. Although hindi naman directly mahi-hit ang Metro Manila pero dahil po sa dami din ng tao dito saka ‘yong posibleng pag-ulan, mabuti na po iyong nandoon tayo sa pag-iingat,” paalala ni Posadas.

Kahapon bandang alas- 11 ng umaga ay inilagay na sa ilalim ng PAGASA Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Quezon, kasama ang Polillo Island.


Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council’s (NDRRMC), umaabot na 11,000 katao o 3,300 pamilya ang naapektuhan ni ‘Egay’ at ng umiiral na southwest monsoon.

May 1,200 residente na ang lumikas at nasa limang evacuation centers, habang ilang pamilya rin ang puwersahang inilikas sa Western Visayas.


Mabilis na lumakas ang typhoon ‘Egay’ habang tumatawid ng karagatan sakop ng Pilipinas, na posibleng maging isang ganap na super typhoon ngayong Martes, matapos na mabilis itong nag-intensify at lumawak pa ang saklaw kaya dumami din ang mga bayan na inilagay sa ilalim storm warning signal.

Ayon sa state weather bureau, mabilis na lumakas ang bagyong Egay habang tinatahak nito ang dagat sakop ng Pilipinas nitong Lunes ng umaga, dahilan para magtaas ito ng storm warning signals sa mas maraming lugar sa Luzon at Visayas, anang PAGASA.

Huling namataan si Egay sa layong 525 kilometro silangan ng Baler, Aurora, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 150 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong 185 kph, ayon sa PAGASA base sa kanilang 11 a.m. weather bulletin.



Tags: Department of National Defense, Office of Civil Defense

You May Also Like

Most Read