OBRERO, PATAY SA PAGHIHIGANTI NG GINULPI NIYANG LALAKI

By: Baby Cuevas

Nasawi ang isang obrero matapos na pagsasaksakin ng isang lalaki na kanya umanong ginulpi noong nakaraang buwan nang dahil sa pagkakasangkot sa kasong pagnanakaw sa Tondo, Maynila.

Ang biktima ay kinilalang si Jester Mullet, 24, construction worker, ng Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila.


Namatay ito dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t- ibang bahagi ng katawan, habang nakatakas naman ang suspek na si Alexander Banzuelo, nasa hustong gulang at residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-5:54 ng hapon noong Mayo 19 nang maganap ang krimen sa Building 24 ng Permanent Housing, sa Balut, Tondo.

Naglalakad umano ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lang sumulpot ang suspek at mula sa likuran ay ilang ulit siyang pinagsasaksak bago mabilis na tumakas.


Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad, lumitaw na ang krimen ay isinagawa ng suspek bilang paghihiganti sa ginawang pambubugbog sa kanya ng biktima noong Abril, matapos na masangkot siya sa nakawan sa kanilang lugar sa Tondo.

Diumano, bago umalis ang suspek ay nagbanta pa ito na kapag may pagkakataon ay papatayin nito ang biktima.


Tags: Manila Police District (MPD)-Homicide Section

You May Also Like