Obispo, umaapela ng panalangin para sa mga biktima ng gumuhong balkonahe ng simbahan sa Bulacan

By: Carl Angelo

Umaapela ang isang Obispo ng Simbahang Katolika ng panalangin para sa mga biktima ng gumuhong bahagi ng balkonahe ng isang simbahan sa lungsod ng San Jose Del Monte, sa Bulacan.

Tiniyak rin naman ni Malolos Bishop Dennis Villarojo na nakikipagtulungan na ngayon ang kanilang diocese at St. Peter Apostle Parish Church sa Tungkong Mangga village upang matulungan ang mga biktima.

“We pray for the eternal repose of the faithful departed and we offer our sincere condolences and assurance of assistance to the family,” ani Villarojo.


Dagdag pa niya, “Meanwhile, the parish priest is doing whatever is good and coordinating with the authorities to assist the persons who have been affected by this incident.”

Sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management Office ng lungsod, nabatid na isang 80-taong gulang na miyembro ng choir ang namatay habang 50 ang nasugatan sa aksidente, na naganap dakong alas-7:00 ng umaga kasabay nang pagdaraos ng Ash Wednesday Mass, na hudyat nang pagsisimula ng 40-araw ng Kuwaresma.

Lumilitaw sa imbestigasyon na gumuho ang isang bahagi ng ikalawang palapag ng simbahan, na gawa sa kahoy, bunsod marahil umano ng overloading.

Nabatid na sarado muna ang parish church until further notice.


Inatasan na rin umano ni Villarojo ang lahat ng parish priests na i-check ang mga istruktura ng kanilang parokya dahil sa dami ng mga taong dumadagsa sa mga simbahan tuwing Semana Santa.

Tags: Malolos Bishop Dennis Villarojo

You May Also Like

Most Read