OBISPO, NAGBABALA LABAN SA AI

By: Carl Angelo

Naglabas ng babala ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ukol sa paggamit ng makabagong teknolohiya, partikular na ang Artificial Intelligence (AI).

Inihayag ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Communication, na gaya ng mga modernong bagay, maraming magagandang maidudulot ang paggamit ng AI dahil pinabibilis nito ang ilang partikular na gawain.


Sa kabilang banda ay maaari rin aniya itong maging banta sa lipunan kung walang pamantayan ang paggamit nito.

“Sa panahon natin ngayon, ang Artificial Intelligence ay hindi likas na masama subalit kapag walang pamantayan sa paggamit ito ay marami ding mga bagay na hindi maganda ang maaring maidudulot sa atin at sa lipunan,” pahayag ni Bishop Maralit.

Ayon pa sa kanya, dapat na mag-iingat ang mamamayan sa pag-aakalang laging tunay at wasto ang nilalaman ng mga impormasyong nakikita at nababasa nila online, lalo na kung hindi matiyak na mapagkakatiwalaan ang pinagkunan ng datos.


Aniya, ginagamit din ng ilan ang AI para sa pansariling kapakinabangan lamang.

Nag-paalala din ang Obispo sa mga mamamayan na huwag umasa sa paggamit ng AI dahil may mas kakayahan pa ring mag-isip ang tunay na tao.


“Tunay na mahalaga sa atin ang buong proseso sa paghahanap ng katotohanan at pagdedesisyon, kasama na rin ang mga ambag ng ating karanasan at ugnayan kaya hindi dapat tayo madala sa tuksong umasa na lamang sa AI,” pahayag nito.

Ayon pa sa Obispo, nakakabahala rin aniya ang kakayahan ng AI na magmanipula sa pagkakakilanlan ng isang tao tulad ng pagkopya sa itsura at boses sa pamamagitan ng ‘deep fake’ na maaring paniniwalaan ng sinumang makakapanuod nito online.


Banta rin umano ang AI sa ‘job displacement’ dahil napapalitan nito ang kakayahan ng tao sa paglikha o pagtatrabaho.

“Pakaingat tayo sa maaaring idulot na panganib nito sa mga ugnayang pantao na napakahalaga sa paglago at pagbubuo ng ating pagkatao kung saan ang emosyon at mga malalim na pakikipag-ugnayan sa kapwa ay kailangan at napakahalaga,” aniya.

Sa mensahe ni Papa Francisco sa 58th World Day of Social Communications na ipagdiriwang sa Mayo 12, binigyang -diin nito na kailanman ay hindi napapalitan ng AI ang karunungan ng tao.



Tags: Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr.

You May Also Like