Kinumpirma ni Department of Health (DOH) officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire nitong Miyerkules na mayroon nang bagong pinuno ang National Vaccination Operations Center (NVOC).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Vergeire na si Health Assistant Secretary Dr. Nestor Santiago na ang bagong incident manager ng NVOC, ang posisyong dati niyang hinawakan.
Matatandaang noong Hunyo 30, itinalaga ni dating Health Secretary Francisco Duque III si Vergeire bilang pinuno ng NVOC, kapalit ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Sinabi naman ni Vergeire na direkta pa ring magre-report sa kanya si Santiago.
“He is part of our field and implementation coordination team. Kasama po natin siya. He is part of our executive committee officials. He is very much capable at saka eksperto po siya sa operations,” ayon kay Vergeire.
“I will still oversee the operations at saka kung anumang mga targets ang kailangan pa natin for policy directions and decision making,” dagdag pa niya.
Samantala, kinumpirma rin ni Vergeire na inatasan siya ng Office of the President na manatiling tagapagsalita ng DOH, habang nagsisilbi bilang OIC nito.
Dahil naman sa dami ng trabaho, itinalaga ni Vergeire si Dr. Beverly Lorraine Ho, na siyang direktor ng Health Promotion Bureau, upang maging assistant spokesperson ng DOH.
Aniya, si Ho ang magiging tagapagsalita ng DOH sakaling hindi siya available.
“Kapag hindi ako available, she will do the task for us so we can continuously inform the public,” ani Vergeire.
Una nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na maaaring mapalawig ang termino ni Vergeire bilang OIC ng DOH kung wala pang mapipiling bagong kalihim ang administrasyon hanggang sa katapusan ng Hulyo, alinsunod sa Memorandum Circular No. 1. (Jaymel Manuel)