Isang 25-anyos na call center agent ang arestado matapos nitong itakbo ang cellphone ng isang nurse na naka “eye ball” nya kahapon ng madaling araw sa J. Bocobo St., Ermita, Maynila.
Nasa kustodiya ng MPD-PS5 ang suspek na si Lance Russel Laurel y Balboa, 25, call center agent at residente ng 2190 B1 Leveriza St., Brgy. 38, Pasay City .
Ayon sa reklamo ng biktimang si Melissa Joan Tabiliran y Noel, 25, nurse, ng Unit 2506 Mla. Residences, J. Bocobo St. Ermita, Maynila, nakilala umano niya ang suspek sa isang dating app at nagkasundo silang mag- “eye ball ” sa BGC, Taguig City.
Inabot umano ng hanggang alas- 4:30 ng madaling araw ang biktima at ang suspek at nang.magkayayaan nang umuwi ,nag-alok ang suspek na ihatid ang biktima at hiniram ang cellphone nito na nagkakahalaga ng P32,000 para gamitin sa “navigation.”
Pagbaba ng biktima ay hindi na nito isinoli ang cellphone at tinangay na.
Nagawa namang i-track ng biktima ang kanyang cellphone sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) at nakita ang suspek sa kalapit na restaurant.
Pinuntahan nina PCpl Jayson Cawayan at.Pat. Christian Garais ng J. Bocobo Police Community Precinct (PCP) ang restaurant at nakita ang suspek.
Nabawi ang cellphone ng biktima at maging ang Honda Clickna may temporary plate number 903 XJE na ginamit niya bilang getaway vehicle.
Sinampahan ng kasong theft at paglabag sa RA 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act) ang suspek sa Manila Prosecutor’ s Office.














