NUPL, nanawagan kay PBBM na mag-isip ukol kay Remulla

Hinikayat ng National Union of Peoples’ Lawyer ( NUPL), si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pag-isipang mabuti kung siya ay magtitiwala pa sa kanyang Justice Secretary na si Jesus “Boying” Remulla, kasunod ng pagkaka- aresto sa kanyang anak sa iligal na “kush” noong Martes sa Las Piñas City.

Naniniwala si Atty Kristina Conti ng NUPL na mayroong conflict of interest kung mananatili pa sa DOJ si Remulla.


“Bilang abogado ng mga biktima ng war on drugs…. sa isang banda eh nakikiramay tayo na sila ngayon eh biktima ng sarili nilang war on drugs,” ayon kay Conti.

“Pangalawa, hindi naman sa masaya pero buti na lang hindi niya inabot o sinapit yung nangyari don sa iba pang sinapit ng biktima ng war on drugs…. Baka naman sa kasong ito, magkaroon ng due process na ipinagkait sa iba,” dagdag pa ni Conti.

Sinabi ni Conti na magiging malaking isyu rito ang “conflict of interest” sa panig ni Remulla , partikular na at siya ang kalihim ng DOJ.


“Meron tayong sa kultura natin yung delicadeza, ibig sabihin non palagay mo hindi ka na angkop sa posisyon sa sitwasyon. Una sa bahagi ni Sec. Remulla ang magiging usapin dito ay conflict of interest dahil siya ang secretary of justice, siya ang pinakapinuno ng lahat ng prosecutor sa Pilipinas. Kaya ang abogadong magkakaso tungkol dito ay galing sa DOJ at siya ang Chief,” paliwanag pa ni Conti.

Samantala,sinabi naman ni Marcos na walang basehan ang mga panawagan na magbitiw si Remulla sa kaniyang tungkulin.


Sinabi na rin ni Remulla na hindi siya manghihimasok sa kaso ng anak at haharapin ng kanyang anak ang kasong isinampa laban sa kanya.


Tags: National Union of Peoples’ Lawyer ( NUPL)

You May Also Like