Nadakip sa isinagawang joint law enforcement operation ng Armed Forces of the Philippine at Philippine National Police ang number one suspect sa pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. sa South Cotabato.
Ayon kay Colonel Andre Santos, 1st Mechanized Infantry Brigade Commander, nadakip sa pinagsanib na AFP at PNP operation kamakalawa ng tanghali ang principal suspect sa pag-ambush sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr.
Magugunitang tatlong police escorts at isang driver/security ng governor ang ang namatay sa nasabing pananambang nitong nakalipas na buwan ng Pebrero nitong taon.
Sinabi pa ni Col Santos na hindi na nagawa pang tumakas at makapanlaban ng nasabing suspek na kinilalang si Lomala Baratumo, alyas Commander Lomala, 42-anyos matapos maharang sa ikinasang checkpoint sa Sitio Morales, Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato.
Napag alaman na may standing warrant of arrest ang suspek sa kasong murder kung saan walang inirekomendang piyansa ang 12th Judicial Region, Branch 8, Marawi City. Ang suspek ay No.5 Most Wanted Person ng PRO BARMM at No.1 Most Wanted Person ng Lanao del Sur.
“Simula nitong Pebrero pinagsama-sama na ang efforts ng Joint Task Force Central, 6th Infantry Division, 1st Infantry Division at Philippine National Police para i-trace ang suspek na si Kumander Lomala”, ayon kay Col. Santos.
Lubos ding nagpasalamat ang butihing Gobernador Mamintal Adiong Jr kay Maj Gen Alex Rillera sa lahat ng tulong upang madakip itong si Kumander Lomala na halos naging mitsa ng kanyang buhay.
Si Maj General Rillera ay ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na siyang nakakasakop sa lugar kung saan nahuli itong si Kumander Lomala ay pinapurihan ang Army at PNP dahil sa tagumpay ng operasyon at pagkahuli ng suspek.
“Ang pagkadakip ng suspek ay nagpapatunay lamang ng kahalagahan at pagiging epektibo ng mga nakalatag nating mga checkpoints. Ito ay isang pagsisikap kasama ng ating mga Units on the ground at mga namamahala sa ating mga Patrol Bases kung saan patuloy na nagtatrabaho sa loob ng ilang buwan upang masubaybayan at mahuli si Lomala,” pahayag ng 6ID at JTFC Commander.