NADAKIP ng mga tauhan ng Philippine National Police-Police Regional Office 5 ang isang kilabot na communist terrorist group lider na sinasabing sangkot sa pananalakay at pagpatay sa limang pulis sa isinagawang law enforcement operation sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay PNP-PRO5 Director P/BGeneral Andre Dizon, nahuli sa inilatag na bitag ng Albay PNP ang suspek na si Reynaldo Togado Hugo, 61, na kilala sa mga alias na “Rcicielo, Yulo, Adel, Evan, Bermas, Aster, Julian, Pitoy, Alex, Bitoy.”
Si Hugo ay sinasabing pinuno ng Communist Terrorist Group (CTG) na sangkot sa pag-atake sa isang Detachment ng Camarines Norte Police Provincial Office noong March 21, 2019, kung saan napatay ang limang pulis sa Labo, Camarines Norte.
Sa hawak na datos ni Albay Provincial Office Director P/Col. Julius Anoñuevo, si Hugo ay commanding officer ng Regional Operational Command Bicol Regional Party Committee at EXECOM Member ng National Operational Command ng Communist Party of the Philippines.
Sa ulat ni Col. Anoñuevo kay Bgen Dizon, sa tulong ng impormante at hawak na warrant ay ikinasa ang law enforcement operation laban sa suspek sa pamamagitan ng paglalatag ng checkpoint sa tapat ng Motorist Assistance Center sa Brgy. Matacon, Polangui.
Tinangka pang tumakas ng target ng kapulisan subalit nasukol rin ito sa Brgy. Balangibang, Polangui, sa Albay at dinakip kasama ang tatlong iba pa na lulan ng nasabat na Toyota Avanza (VFK 563) na kinilalang sina alyas Bryan, Jeane at Vanessa.
Nakumpiska sa loob ng sasakyan ng suspek ang isang loaded na M16, kalibre .45 baril loaded ng limang bala at isang fragmentation hand grenade.
Napag-alaman na naging matagumpay ang naturang operasyon dahil na rin sa personal na pagtutok ni P/COL Julius Cubos Añonuevo, katuwang ang mga operatiba ng PNP-CIDG Albay PFU, Polangui MPS, 1st PMFC, PIU Albay PPO at 49th IB 9th ID, PA, katuwang rin ang RIU5-Albay PIT, RID5, MIG5, sa pakikipagtulungan ng ilang positibong impormante.
“Hugo faces multiple charges, including murder under CC No. 14552 dated August 23, 2019, with no bail recommended. He is also charged with direct assault and two counts of frustrated murder under CC Nos. 2021-4080 and 2021-4082 dated August 6, 2021, with a recommended bail of PhP200,000.00 for each case. Additionally, on the same day of his arrest, another warrant for five counts of direct assault with murder dated January 26, 2024, was served against him by personnel of CIDG Albay PFU.” ayon kay Kasurog Cops PIO. Col Malou Calubaquib.
Pinapurihan naman ni Dizon ang pinagsanib pwersa na nagsagawa ng operasyon na nakapagbigay hustisya sa limang “Dumagmang Fallen Heroes.”














