Latest News

No Meat Friday campaign, sinuportahan ng mga opisyal ng CBCP

Suportado ng mga opisyal ng simbahan ang panawagan ng Cambridge University sa Santo Papa Francisco na muling isulong ang No Meat Friday campaign na nakikitang solusyon upang mapigilan ang labis na global carbon emissions.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples chairman at Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc, malaki ang maidudulot nitong pagbabago hindi lamang sa kapaligiran kundi higit sa kalusugan ng mga tao.

Ito’y sapagkat kapansin-pansin ngayon ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng malalang karamdaman sanhi ng labis na pagkonsumo ng mga tao sa karne ng hayop.


“We are consuming too much meat. Look at what is happening now to people regarding lifestyle sicknesses. We are destroying our organs: heart, liver, and kidneys due to too much meat consumption and wrong nutrition,” pahayag ni Bishop Dimoc.

Sinabi rin ng Obispo na ang animal agriculture, bagamat nakakatulong na matugunan ang pagkain ng mga tao ay nakakasira na rin sa kalikasan dahil sa mga maling pamamaraan ng pamamahala.

“It leads farmers to use their productive agricultural lands to produce food for animals like corn instead of food for humans. Time to bring morality into our dietary practices,” ayon kay Bishop Dimoc.

Samantala, kinilala rin ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio ang hamon at layuning paigtingin ang No Meat Friday Campaign ng simbahan.


Ayon kay Bishop Florencio, vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, makabuluhan ang naging pagsusuri ng Cambridge University dahil nakita nito ang malaking ambag ng hindi pagkain ng karne sa layuning pangalagaan ang kalikasan.

Gayunman, nilinaw ni Bishop Florencio na hindi sapilitan ang pakikiisa sa No Meat Friday ng simbahan lalo na sa mga matatanda at mayroong sinusunod na paraan ng paggagamot.

“With the No Meat Friday campaign, okay naman ito but we just have it on an optional basis. Dahil iba’t iba ang kalagayan natin lalo na ang may mga sakit. So, for those who want and who can do it, please support the good intentions of the campaign,” pahayag ni Bishop Florencio.

Ang No Meat Friday ay tradisyong sinusunod ng mga katoliko tuwing panahon ng Kwaresma bilang bahagi ng pag-aayuno at pangingilin.


Pinaigting ito ng Radio Veritas noong 2011 upang isulong ang pangangalaga sa kalusugan ng tao, at kalikasan mula sa epekto ng climate change. (Carl Angelo)

Tags: Bishop Valentin Dimoc

You May Also Like

Most Read