MAWAWALAN umano ng slot sa e-rally platform ng Commission on Elections (Comelec) hanggang sa pagtatapos ng campaign period ang mga kandidatong hindi lalahok sa debate na inorganisa ng poll body.
Ito ang inihayag ni acting Comelec chairperson Socorro Inting nitong Lunes sa isinagawang paglagda ng memorandum of agreement sa Impact Hub Manila, ang grupo sa likod ng Vote Pilipinas, para sa pagdaraos ng “PiliPinas 2022 Debates 2022: The Turning Point.”
“One who refuses or skips the debates will not be allowed to join the e-rallies,” pahayag pa ni Inting.
Ipinaliwanag naman ni Comelec spokesperson James Jimenez na ito ay ang kasunduan na ginawa nila sa mga kandidato.
“We do have the e-rally that we allow them to use the platform, and one of the agreements is that if they skip the debates then they will not be able to air their e-rallies on our e-rally platforms,” ayon kay Jimenez.
Nabatid na nakasaad sa Article IV ng Comelec and Impact Hub Manila MOA na, “[p]residential and vice-presidential candidates are strongly encouraged to participate in the Pilipinas Debates 2022 and their non-attendance may result to the forfeiture of their opportunity to air their e-rally on the Comelec’s official e-rally page.”
Bago ang official campaign period na nagsimula noong Pebrero 8, naglunsad ang Comelec ng Facebook page na magbibigay ng platform para sa libreng livestreaming ng online political rallies ng mga national candidates sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang Campaign S.A.F.E. Comelec e-Rally Channel sa Facebook ay nagkakaloob ng online airtime sa mga kandidato para sa pagka-pangulo, ikalawang pangulo, senador at party-list groups ng mula tatlo hanggang 10-minuto.
Ang bawat kandidato sa pagka-presidente at bise presidente ay mayroong 10-minute airtime para sa tatlong slots sa isang araw, habang ang mga senatorial candidates naman ay mayroong tig-tatlong minuto para sa limang slots sa isang araw.
Ang mga party-list groups naman ay binibigyan rin ng tig-tatlong minuto sa limang slot kada araw.
Ang mga political parties naman ay mayroong 10 minuto para sa tatlong slots sa isang araw.
Ani Jimenez, sa ngayon wala pang written confirmations na nakukuha ang Comelec mula sa mga kandidato hinggil sa pagdalo nila sa naturang debate.
“We don’t have written confirmations yet, but we are working on getting written commitments from the candidates,” aniya. “By and large, however, the candidates seem inclined to participate in the debates in the understanding that this is the official debate series for this elections. So we are hopeful that we will be able to secure their commitments within the week.”
Nakipag-usap na aniya sila sa mga Partido ng mga kandidato noong nakaraang linggo at tinalakay ang debate at plano nilang magdaos muli ng isa pang pulong ngayong linggong ito.
Muli ring sinabi ni Jimenez na ilalahad nila ang magiging general topics o general areas of inquiry para sa debate, ngunit hindi ang mga ispesipikong katanungan sa bawat paksa na ibabato sa mga kandidato, na magmumula sa iba’t ibang sektor.
Matatandaang ang unang presidential debate ay nakatakda sa Marso 19 habang ang unang vice presidential debate naman ay sa Abril 3. Ang mga ito ay idaraos sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.
Ang ikalawang presidential debate naman ay nakatakda rin sa Abril 3 habang magkakaroon rin ng presidential at vice presidential Town Hall Debates sa Abril 23 at 24.