PINAGBAWALAN maglaro ng tatlong buwan ang tennis world number one na si Jannik Sinner dahil sa doping.
Ito ang kinumpirma ng World Anti-Doping Agency (WADA) noong Sabado.
“Kinukumpirma ng World Anti-Doping Agency (WADA) na pumasok ito sa isang case resolution agreement sa kaso ng Italian tennis player na si Jannik Sinner, kung saan ang manlalaro ay tumatanggap ng tatlong buwang buwang suspensyon dahil sa paglabag sa anti-doping rule na humantong sa kanyang pagiging positibo sa clostebol, na isang ipinagbabawal na substance, noong Marso 2024,” ayon sa pahayag ng WADA.
“Tinatanggap ng WADA na hindi nilayon ni Mr. Sinner na manloko, at ang pagkakalantad niya sa clostebol ay hindi nagbigay ng anumang benepisyong nakakapagpapataas ng performance at naganap nang hindi niya nalalaman bilang resulta ng kapabayaan ng mga miyembro ng kanyang entourage,” dagdag na paliwanag ng WADA.
Sa ilalim ng kasunduan, ang kanyang panahon ng hindi pagiging kwalipikado para maglaro ay mula Peb. 9 hanggang Mayo 4.
Kabilang dito ang kredito para sa apat na araw ng kanyang pansamantalang pagkakasuspinde.
Ang World No.1 ay makakabalik sa mga opisyal na aktibidad sa pagsasanay simula Abril 23.
Ang 23-anyos na Italyano ay nanalo ng 19 singles titles, kabilang ang tatlong majors sa 2024 Australian Open, 2024 US Open at 2025 Australian Open.