KINUMPIRMA kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na nasa Pilipinas na ngayon ang makabagong anti-ship missile system, ang United States’ Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction (NMESIS) na nakatakdang gamitin ito sa gaganaping RP-US Balikatan 2025 war exercise.
Ang NMESIS na isang high-mobile coastal anti-ship missile na may kakayahang patamaan ang mga barkong pandigma mula sa land-based na kinalalagyan nito ay unang inihayag ng US Department of Defense kaugnay sa mga advanced military capabilities na ilalagay nito sa bansa sa pagsisimula ng Balikatan joint military exercise.
Ang nasabing pahayag ay kasunod ng ginawang pagbisita sa bansa ni US Defense Secretary Pete Hegseth kung saan ay nagkasundo ang US at Pilipinas na palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Kahapon sa pre-Baliktan media briefing ay kinumpirma ni Balikatan assistant exercise director at exercise spokesperson B/Gen. Michael Logico na nakatakdang gamiting sa taunang Balikatan war games ang NMESIS .
“The NMESIS, I will confirm that it is already in the country,” ani Logico subalit hindi nito inihayag kung saang lugar ito ipupwesto.
“I will not say where it is but it is going to participate. It’s going to be part of the exercises,” ani Logico.
Dagdag pa ni Hegseth na ang nasabing system ay makakatulong para masanay ang mga sundalo ng US at Pilipinas gamit ang mga makabagong kagamitan.
Ikinagalak naman ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, Jr ang deployment ng NMESIS kung saan makakatulong ito sa pagbabago ng military capabilities ng bansa.
Inaasahang maiiwan sa Pilipinas ang NMESIS para magamit sa mga isasagawa pang pagsasanay sa hinaharap gaya ng nangyari sa US Army’s Mid-Range Capability (MRC) typhoon missile system.
Nabatid na bukod sa NMESIS ay gagamitin din sa pagsasanay ang US Army’s Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile system na nanatili sa Pilipinas matapos ang nakaraang US-Philippine joint exercise.
Nakatakdang opisyal na pasimulan ang 2025 Balikatan exercise pagkatapos ng Holy week at tatagal hanggang May 9, 2025.
Itinatayang nasa 14,000 personnel ang sasabak sa sabayang pagsasanay na bubuuin ng limang libong sundalo mula sa AFP habang 9,000 naman ang sasabak mula sa US Armed Forces.
Magsisilbi namang mga exercise observers ang mga kinatawan mula Brunei, Canada, Colombia, Czech Republic, France, Germany, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Poland, Singapore, South Korea, Thailand, United Kingdom at Vietnam.