Handang-handa na ang North Luzon Expressway (NLEX) sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa kani-kanilang lalawigan para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Undas sa susunod na linggo.
Ayon kay NLEX Traffic Management head Robin Ignacio, inaasahan na nilang simula sa Biyernes ay dadagsa na ang mga motoristang uuwi sa mga lalawigan, gayundin ang mga magtutungo sa Kamaynilaan para sa mga nasabing aktibidad.
“Inaasahan po natin na umpisa po ng Friday, lalong-lalo na po sa hapon, dadami na po iyung ating mga motoristang pauwi ng probinsya, gayundin siguro may papunta rin ng Maynila,” ani Ignacio, sa panayam sa radyo.
Aniya pa, nasa 1,500 personnel ang nakatakda nilang ipakalat para umalalay sa mga motorista.
“Kami naman po sa NLEX ay nakahanda na po at magdi-deploy kami ng mas maraming personnel, around 1,500 po,” aniya.
Hinikayat rin naman niya ang mga biyahero na tiyaking handa sila sa kanilang pagbiyahe.
Aniya, “Tingnan po nila yung kasalukuyang sitwasyon ng expressway bago sila umalis sa panggagalingan nila para naman hindi nila masabayan kung mayroon man pong matinding pag-congest sa expressway.”
Maaari aniyang mamonitor ng mga motorista ang mga traffic updates ng NLEX sa Facebook at X (dating Twitter) o di kaya ay sa pamamagitan nang pagtawag sa kanilang hotline na 02 1-35000.
Inianunsiyo na rin ni Ignacio na suspendido na muna ang lahat ng road repairs at lane closures nila mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 6..
Simula rin aniya nitong Miyerkules ay magdaraos ang expressway ng dry run para sa contactless toll collection.
Maaari pa rin naman aniyang dumaan sa expressway ang mga sasakyang walang RFID, ngunit kaagad silang dadalhin sa lane, kung saan sila maaaring magpakabit nito.