Ninakaw na makasaysayang pulpit panels ng Cebu Archdiocese, natunton sa National Museum

By: Carl Angelo

Iginiit ng Archdiocese of Cebu na agarang maibalik sa kanila ang 19th-century pulpit panels na pagma-may-ari umano nila pero kasalukuyang nasa pag-iingat ng National Museum of the Philippines (NMP).

Napag-alaman kay Cebu Archbishop Jose Palma na ang apat na panels ay kinuha mula sa isang simbahan sa Boljoon may ilang dekada na ang nakakaraan, nang walang permiso.

Sanhi nito, nais ng Arsobispo na kaagad na maibalik ang mga naturang panels sa Archdiocesan Shrine of Patrocinio de Maria Santissima.


“The Archdiocese of Cebu hereby asserts its ownership of these panels and requests their immediate return to Boljoon at the pulpit where they were surreptitiously removed,” ayon kay Palma.

Ang naturang mga panels na nagpapakita sa mga founder ng Augustinian Order ay muling lumutang sa NMP noong Pebrero 13 lamang.


Ito ay inilarawan bilang “a gift to the nation” mula sa mga pribadong kolektor na sina Edwin at Aileen Bautista.

“The panels, which feature the image of Saint Augustine of Hippo, trace its original provenance from the pulpit of the Patrocinio de Maria Santisima Parish Church in Boljoon, Cebu,” pahayag pa ng NMP sa isang social media post noong Pebrero 14.


“The National Museum of the Philippines thanks Mr. and Mrs. Bautista for their generous contribution to our ever-growing national collection,” dagdag nito.

Gayunman, sinabi ng arsobispo na ang arkidiyosesis ay walang rekord ng anumang hiling para i-deconsecrate at alisin ang mga panel sa simbahan.

Kung sakali naman na mayroong ganitong kahilingan, tiyak naman na hindi ito aaprubahan dahil na rin sa sagrado ang mga ito. “Neither would this have been approved, knowing that these panels are sacred objects of the church, where, for centuries, Augustinian friars delivered sermons to the faithful.”

Sinabi ng Archdiocese na naiintindihan nila ang pagnanais ng NMP na mai-exhibit ang mga panels sa publiko, pero ito’y nanindigan na ang mga ito ay sagrado at ang illegal na pagtatanggal sa mga ito ay isang kalapastanganan.

Napag-alaman na ang mga nasabing panels ay iniulat na ninakaw noong 1980s, base sa tala ng isang town resolution.

Gayunman, sa isang pahayag kahapon, tiniyak ng NMP na nabili ang mga ito ng mga donors sa lehitimong pamamaraan.

Tags: National Museum of the Philippines (NMP)

You May Also Like

Most Read