MAS nakapagbibigay umano ng dagdag na proteksyon ang nilalanghap sa halip na itinuturok na COVID-19 booster, laban sa Omicron variant na inaprubahan na ngayon sa China.
Tinutukoy ni Vaccine Expert Panel (VEP) chief Dr. Nina Gloriani ang ‘inhaled version’ ng bakuna na nilikha ng Cansino Biologics Inc. ng China na nabigyan na ng ’emergency use authorization’ sa naturang bansa.
Sa mga pag-aaral, natuklasan na mas ligtas umano ito at mas nagbibigay ng ‘immunogenicity’ o kakayahan na magpataas na ‘immune response’ ng katawan.
“Ang merong data ngayon ay ‘yung immunogenicity. Nae-elicit ba niya ba ‘yung gusto nating immune response? Yes, meron. Actually, halos pareho,” saad ni Gloriani.
Sa mga datos, mas mataas umano ang resulta ng dalawang na-inject na primary doses at isang nalanghap na booster kumpara sa tatlong doses na pare-parehong itinurok.
“Mas mataas at maganda rin ang kanyang performance at protection against the Omicron variant,” dagdag niya.
Ngunit inirerekomenda lang sa ngayon ang ‘inhalable vaccine’ sa mga malulusog na adults, at hindi inirerekomenda sa mga may sakit na hika dahil sa magreresulta ito ng ‘hyperactivity’.
Upang magamit rin sa Pilipinas, kailangan munang mag-apply para sa emergency use Authorization (EUA) sa Philippine Food and Drug administration (FDA) ang mga manufacturers nito. (Carl Angelo)














