Latest News

Nebrija, sinuspinde ng MMDA

By: Jerry S. Tan

Agarang sinuspinde kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes si MMDA Task Force Special Operations Unit Head Col. Bong Nebrija kasunod na rin ng ulat nito na nasita ang convoy ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na gumagamit ng EDSA Busway.

Mismong si Artes ang nag-anunsiyo ng suspensiyon matapos na magtungo siya, kasama si Nebrija, sa Senado upang humingi ng paumanhin kay Revilla.

Ayon kay Artes, magiging epektibo ang suspensiyon sa MMDA official ngayong Huwebes at posibleng magtagal ng 15 hanggang 30-araw.


Paliwanag ni Artes, lumilitaw na nagkaroon talaga ng paglabag dahil nag-leak ang impormasyon hinggil sa mga motoristang nahuhuli nila, na hindi naman aniya dapat.

“Ang decision po ng management when we discussed it kanina, we will suspend Col. Nebrija pending investigation po kung ano talaga ang nangyari,” ayon pa kay Artes.

Nauna rito, sinabi ni Nebrija na kabilang ang convoy ng senador sa nasita sa ilegal na paggamit ng EDSA busway.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Revilla at inatasan si Nebrija na magtungo sa Senado at magpaliwanag.


Kaagad rin namang nag-sorry si Nebrija at ipinaliwanag sa senador na isang traffic enforcer ang nagsabi sa kanya na sakay si Revilla ng convoy na pinatigil nila sa EDSA busway sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.

Sinabi rin ni Nebrija na wala siyang intensiyon na siraan ang senador.

“I’m really sorry. I already apologized kanina. Tao lang po tayo lahat, nagkakamali. E ngayon kung nagkamali po yung enforcer ko as a commander of the task force, the buck ends with me,” aniya pa.

Inatasan na rin naman ni Nebrija ang traffic enforcer na gumawa ng spot report sa pangyayari.


Tags: MMDA Task Force Special Operations Unit Head Col. Bong Nebrija

You May Also Like

Most Read