Latest News

NDRRMC, PATULOY ANG PANAWAGANG MAG-INGAT AT SUMUNOD SA ABISO NG PAMAHALAAN

Patuloy ang panawagan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa publiko na mag-ingat, tumutok sa ulat-panahon, makinig at sumunod sa abiso ng awtoridad ngayong patuloy na nagdadala ng mga pag-ulan at malakas na hangin ang Bagyong ‘Karding’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Muling paalala sa lahat na nagbabanta ang posibilidad ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa at daluyong ng bagyo o storm surge. Gayon din ang mga panganib na dala ng malalakas na hangin.


Makararanas hanggang bukas ng umaga ng malakas hanggang matindi at kung minsan ay napakatinding buhos ng ulan sa mga sumusunod na lugar: Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Rizal at Hilagang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands.

Katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding buhos ng ulan sa mga lugar ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, Ifugao, Mountain Province. Pangasinan, Cavite, Laguna, Batangas, Gitnang bahagi ng Quezon, Occidental Mindoro at Camarines Norte.

Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan naman sa Oriental Mindoro, Marinduque, at nalalabing bahagi ng CALABARZON at Bicol Region.


Samantala, bukas ng umaga hanggang hapon ay makararanas ng malakas hanggang matindi at kung minsan ay napakatinding buhos ng ulan sa Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan.

Katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding buhos ng ulan naman sa Metro Manila, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, at nalalabing bahagi ng Central Luzon.


Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan naman sa Mountain Province, Ifugao, Benguet, Quirino, Nueva Vizcaya, Oriental Mindoro, at nalalabing bahagi ng CALABARZON.

Nakataas din ang tropical cyclone wind signals sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (Victor Baldemor)


Tags: National Disaster Risk Reduction and Management Council

You May Also Like