Muling nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na mag-ingat at manatiling handa dahil sa tumataas na peligro ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng Habagat at iba pang mga umiiral na weather system.
Ang nasabing abiso ng NDRRMC ay kasunod ng naganap na landslide at flashflood sa Banawe sa Ifugao Province, sa Mati City, Davao Oriental at ilang areas sa Cebu City na dala ng ilang araw na pag ulan dulot din ng nararanasang La Nina .
Nabatid na may dalawang sama ng panahon ang inaasahang papasok sa bansa makaraan ang tatlong araw na ang katangian katulad ng dalawa na unang pumasok sa AOR ng Pilipinas, ayon kay Pagasa Administrator Usec. Vicente Malano.
Ang tinutukoy ni Malano ay ang Bagyong Caloy at Domeng na galing sa West Philippine Sea papuntang Norte at saka dumiretso ng China.
Samantala, magpapatuloy pa rin anya ang nararanasang mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng La Niña kaya naglabas ng kanilang babala kahapon ang NDRRMC sa publiko na mag-ingat at manatiling handa dahil sa tumataas na peligro ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng Habagat at iba pang mga umiiral na weather system.
Kasalukuyang nagdadala ng malalakas na pag-ulan ang hanging Habagat sa kanlurang bahagi ng bansa ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Binabantayan din nito ang isang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na namataan sa layong 950 kilometro sa Silangan ng Davao kahapon alas tres ng umaga. Mataas ang tiyansa na maging bagyo ito at papangalanang “Ester”.
Makararanas naman ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa loob ng bente kwatro oras ang mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon, at mga probinsya ng Cagayan at Isabela.
Nagbaba na rin at naglabas ng mga abiso ang NDRRMC sa mga residente na nakatira sa mga mababang lugar, tabi ng ilog at mga kabundukan na mag-ingat sa tumataas na tsansa ng pagbaha at pagguho ng lupa. Gayon din ang patuloy na pakikipag-ugnayan at pagsunod sa mga awtoridad at palaging pagsubaybay sa mga abiso at ulat panahon.
“Tag-ulan na muli. Gaya ng aming laging paalala sa lahat, laging maghanda sa mga bantang panganib gaya ng pagbaha at pagguho ng lupa. Nariyan ang posibleng pagtama ng mga malalakas na bagyo kaya’t ibayong pag-iingat at pagsunod sa abiso ng awtoridad ang ating paalala at patuloy na panawagan sa ating mga kababayan.” ani NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad.
Samantala sa ulat ng NDRRMC may ilang sugatan sa bayan ng Banaue sa Ifugao dahil sa flash floods at mudslides na dulot ng malakas na ulan.
Ayon kay Banaue Vice Mayor Donald Mongolnon, nagdulot din ng pinsala sa mga bahay ang matinding pagbaha.”So far, wala naman (casualty). May mga injured lang,” ani Mongolnon.
Posibleng apektado rin umano sa kalamidad ang Banaue Rice Terraces kung saan, 6 na barangay ang lubog ngayon sa baha.
Nasa 1,500 indibidwal o 500 pamilya ang apektado ng pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan sa Banaue, Ifugao.
May g 50 pamilya sa Mati City, Davao Oriental ang inilikas dahil sa baha, Huwebes ng gabi, batay sa report ng Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office, mula sa mga barangay ng Central at Mayo ang nag-report ng pagbaha bunsod ng malakas na ulan.
Inilubog din sa baha ang maraming lugar sa Cebu City bunsod ng ilang araw napag ulan. (VICTOR BALDEMOR)














