Latest News

NDRRMC, INILAGAY SA RED ALERT DAHIL SA BANTA NI AGHON

By: Victor Baldemor Ruiz

SIMULA kahapon ng umaga (Linggo) ay inilagay sa ‘red alert status’ ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga ahensyang nasa ilalim nito bilang paghahanda, makaraang maging ganap na tropical storm ang bagyong ‘Aghon’ na nagsimulang manalasa sa mga lalawigan ng Visayas at Luzon nitong Linggo.

Maging ang Metro Manila ay inilagay sa ilalim ng tropical warning signal number 1 matapos na walong ulit na mag-landfall ang tropical storm Aghon kahapon habang binabaybay ang Eastern Visaya at Southern Luzon. Ilang lugar naman ang inilagay sa signal number 2.

“We take this seriously. We don’t leave anything to chance. Ang ibig sabihin lang nito, all hands, lahat nandito tapos may mga augmentees pa din tayo from different uniformed services,” pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas.


Napag-alaman na may isang iinulat na batang nalunod sa San Juan River subalit hindi pa kumpirmado kung may kaugnayan ito sa bagyo, habang may apat ding iniulat na nasaktan sa Region 5 na kasalukuyang pang ipinapa-validate ng OCD.

Bilang paghahanda sa epekto ng bagyo ay nag-prepositioning ang NDRRMC ng mahigit P3.4 billion na standby funds para sa pagkain at non-food items, ani Director Posadas.


Sa situational report na inilabas kahapon ng Office of Civil Defense , may 513 families o katumbas ng 2,734 individuals ang direktang naapektuhan ng bagyo sa Bicol at Eastern Visayas regions bunsod ng pagbaha at landslide.

Bahagyang lumakas si Aghon (international name: Ewiniar) kaya inilagay sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang ilang area ng central at northern Quezon, Laguna at eastern portions ng Rizal at Batangas, habang nakataas naman ang Wind Signal No. 1 sa Metro Manila, southeastern Isabela, southern Quirino, southern Nueva Vizcaya, Aurora, eastern at southern Nueva Ecija, southern Bataan, eastern Pampanga, Bulacan, Cavite, northern at central Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur at nalalabing bahagi ng Rizal, Batangas at Quezon.


Ayon sa huling pagtataya ng PAGASA kahapon ng umaga , magtutuloy-tuloy umano ang nararanasang ‘torrential rains’ hanggang Linggo ng gabi sa lalawigan ng Quezon habang malakas na pag- ulan ang tatama sa Metro Manila, Aurora, eastern Bulacan, Rizal, Laguna at Camarines Norte.

Gayundin umano ang mararanasan sa Nueva Ecija, eastern parts ng Isabela at Pampanga, Mindoro provinces, Romblon, western Camarines Sur, Antique, Aklan at nalalabing bahagi ng CALABARZON at Bulacan.

Tags: National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)

You May Also Like

Most Read