By: Tony Gildo
Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga motorista laban sa mga scammers na maaaring samantalahin ang muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa iba’t -ibang bahagi ng Metro Manila.
Hinimok ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano ang mga motorista na mag-ingat sa mga mapanlinlang na text message, email, website at social media account na nagpapanggap at nagpapadala ng NCAP violation notices o nangongolekta ng traffic fines.
Inatasan ni Abrahano ang limang NCRPO police district sna paigtingin ang monitoring at agad na umaksyon sa mga ulat na may kaugnayan sa NCAP scams, partikular na sa phishing, online fraud, identity theft at hindi awtorisadong pangongolekta ng bayad.
Iniutos din niya sa mga police commander na paigtingin ang pagbabantay sa mga pekeng NCAP website, account at mensahe; imbestigahan ang mga reklamo at i-secure ang mga digital evidence; makipag-ugnayan sa MMDA, DICT, Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC), NBI at iba pang kinauukulang ahensya sa pagtukoy at pagtugis sa mga scammer; at palakasin ang public information efforts upang matulungan ang mga motorista na makilala at maiwasan ang mga NCAP-related scam.














