Grabe pala ang trabaho ng isang hepe ng National Capital Region Office (NCRPO) ng Philippine National Police.
Naibahagi kasi ni NCRPO chief PMGen. Jose Nartatez, Jr. na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay hindi bababa sa 300 ang text messages na kanyang natatanggap na tuloy-tuloy aniya kada minuto, oras at araw.
Mula sa bilang na ‘yan, mga 100 ang kanyang babasahin nang buong-buo at muli, mula sa 100 ay hindi bababa sa 20 ang kanyang kinakailangang tawagan o kausapin bukod pa sa mga kailangan niyang atasan o bigyan ng guidance. Ang mga kinakausap nito ay mula sa mataas na opisyal hanggang sa mga station commanders ng mga police districts.
Bilang pinuno ng limang police districts sa Metro Manila, malaki daw ang tiwala niya sa mga heneral na nakaupo bilang hepe ng bawat distrito, lalupa’t ang kanyang hurisdiksyon ay nakasasakop sa 60 porsyento ng economic activities sa buong Pilipinas.
Ang NCR kasi ang sentro ng ekonomiya at mga pinakamalalaking vital installations, government offices at bukod diyan, ang pagbibigay ng seguridad sa 13.5 milyong katao na pinalolobo pa ng bilang ng mga turista na nagtutungo sa Metro Manila. Sa dami ng kanyang ginagawa, ikinalulungkot ni Nartatez na may mga nagsa-sabing hindi daw siya maramdaman at di rin nagpapakita o nagsasalita sa media. Sa kanyang ginawang pagdalo sa ‘Balitaan sa Harbor View,’ ang buwanang forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), napabulaanan ni Nartatez ang mga sinasabing ito ukol sa kanya dahil ‘game na game’ niyang sinagot lahat ng ibinatong katanungan sa kanya ng sandamakmak na media members na dumalo sa forum. Wala siyang sinagot ng ‘no comment’ at kahit pa may nag-ulit ng tanong na naitanong na dahil na-late ng dating ang nagtanong o di nakikinig maige, matiyagang inulit ni Gen. Nartatez ang kanyang kasagutan.
Nakagugulat na sa loob lamang ng mahigit siyam na buwang panunungkulan ay umabot na pala sa 500 ang pinasibak nito sa tungkulin, samantalang 500 iba pa ang naparusahan dahil sa iba’t-ibang uri ng kasalanan.
Aniya, magiging ‘unfair’ kasi sa 95 percent na matitinong pulis kung hindi mapaparusahan ang mga naliligaw ng landas na aniya ay mga five percent lang naman ng buong kapulisan. Sinabi rin niya na halos wala nang Chinese POGO sa Pilipinas at kung dati daw ay umaabot ng 50 ang mga kumpanya na nabigyan ng internet gaming license, ngayon ay nasa walo na lamang ang mga ito.
Sa totoo lang, mga Vietnamese na ngayon ang namamayani sa POGO business at ‘yan ay makikita sa nagsulputang establishments na puro Vietnamese na. Nagpapasalamat ang MACHRA kay Gen. Nartatez sa pagpapaunlak sa imbitasyon na maging solo guest sa forum nito para sa buwan ng Abril.
Binabati din natin si Gen. Nartatez dahil sa loob ng anim na magkakasunod buwan ay nasa Top 6 ang NCRPO sa unit performance ratings.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.