Latest News

NCR, Quezon at Rizal, low risk sa COVID-19; Batangas, Cavite at Laguna, moderate risk — OCTA

NANANATILI pa ring low risk sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR), gayundin ang mga lalawigan ng Quezon at Rizal sa Calabarzon, habang nasa moderate risk pa rin ang natitira pang lalawigan ng rehiyon, kabilang ang Batangas, Cavite at Laguna dahil sa pagkakaroon ng mataas na positivity rates doon.

Ito ay batay sa pinakahuling ulat ng independent monitoring group na OCTA Research Group hinggil sa Risk Levels para sa NCR at Calabarzon hanggang Pebrero 13, 2022, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account.

Nabatid na ang NCR ay nakapagtala na lamang ng -63% growth rate, habang very low na ang reproduction number nito sa 0.20 gayundin ang healthcare utilization rate (HCUR) na nasa 27% na lamang. Nananatili naman sa moderate risk ang average daily attack rate (ADAR) ng rehiyon na nasa 4.45 gayundin ang positivity rate na nasa 8% naman.


Ang Quezon ay nakapagtala naman ng -65% na growth rate at ng very low na ADAR na 0.95, reproduction number na nasa 0.22 at HCUR na nasa 14% na lamang. Nananatili naman sa moderate risk ang positivity rate nito sa 7%.

Ang Rizal naman ay nakapagtala ng -62% na growth rate, very low na reproduction number na nasa 0.18 at HCUR na nasa 28%. Nasa moderate risk pa naman ang ADAR nito sa 2.22 gayundin ang positivity rate na nasa 9%.

Sa Batangas naman, naitala ang -55% na growth rate, moderate risk na ADAR na nasa 2.42, very low na reproduction number na nasa 0.29, low risk na HCUR na nasa 34% at high risk na positivity rate na nasa 13%.

Ang Cavite ay mayroon namang -59% na growth rate, moderate risk na ADAR na nasa 3.24, very low risk na reproduction number na nasa 0.21 at HCUR na nasa 23% na lamang. Nananatili namang high risk ang positivity rate nito sa 13%.


Ang Laguna naman ay mayroong -61% na growth rate, moderate risk na ADAR na nasa 3.06, very low na reproduction number na 0.21 at HCUR na 24%. Gayunman, high risk pa rin ang positivity rate doon sa 11%.

Kaugnay nito, inaasahan naman ng OCTA na sa mga susunod na ilang araw ay bababa na rin sa low risk ang mga lalawigan ng Batangas, Cavite at Laguna.

“NCR, Quezon and Rizal remained at low risk as of Feb 13, while Batangas, Cavite and Laguna remained at moderate risk (high positivity rates), although we expect them to move to low risk in a few days. (Metrics are based on Covidactnow),” anito pa.

Ang HCUR ay yaong occupancy ng isolation, ward, at intensive care unit beds, maging ang paggamit ng mechanical ventilators, habang ang reproduction rate naman ay tumutukoy sa mga taong maaaring maihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng sakit.


Ang ADAR naman ay yaong 7-day average number ng mga bagong kaso ng sakit kada 100,000 katao habang ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong natuklasang positibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong naisailalim sa pagsusuri. (Jaymel Manuel)

Tags:

You May Also Like

Most Read