Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire nitong Biyernes na nasa “moderate risk” na ulit sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR).
Ito’y kasunod na rin nang pagtaas pa ng positivity rate sa rehiyon sa 16.4%, o yaong porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Vergeire na ang pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 ay hindi pa maaaring sabihing dulot nang pagluluwag ng regulasyon sa pagsusuot ng face mask sa outdoor settings.
Ayon kay Vergeire, maaaring dulot ito nang pagtaas ng mobility ng mga mamamayan simula nang magsimula na ang face-to-face classes sa bansa noong Agosto.
“As I’ve said, it would take us around 1-2 weeks for us to be able to analyze the effect of this easing of masking,” paliwanag niya, sa isang pulong balitaan. “What we can say is tumaas ang mobility mula nung nag-umpisa ‘yung face-to-face classes.”
Paglilinaw pa ni Vergeire, wala silang nakitang pagtaas ng COVID-19 cases sa ibang rehiyon kung saan nagpapatupad na rin ng face-to-face classes.
“Makikita rin natin ngayon na among the different regions in the country, ang NCR ay pumasok na uli sa moderate risk case classification,” ayon pa kay Vergeire.
Iniulat rin naman ng health official na 11 mula sa 17 lungsod at isang munisipalidad sa rehiyon ang nasa ilalim na ng moderate risk sa COVID-19.
Sa kabila naman nang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR, nilinaw ni Vergeire na nananatili pa ring manageable ang hospital admission rate sa rehiyon.
Aniya, ang health systems capacity sa NCR ay nananatili pa rin sa ‘low risk’ case classification.
May anim rin aniya mula sa 17 lugar sa NCR ang nakitaan nang pagtaas sa hospital admissions habang ang Pasig at Muntinlupa naman ay nag-ulat ng mas mataas na ICU admissions dahil sa karamdaman.
Matatandaang una nang nilagdaan ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang executive order na nagsasaad sa boluntaryo na lamang na pagsusuot ng face mask sa mga open spaces o mga lugar na maganda ang bentilasyon. (Arsenio Tan)














