Patuloy umanong bumababa ang seven-day positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ito ay ayon sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David, na nagsabing ang positivity rate ng rehiyon ay nasa 21.2% na lamang noong Mayo 28, 2023.
Ito ay apat na puntos na pagbaba mula sa dating 25.2% noong Mayo 21.
Kaugnay nito, maging ang reproduction number ng COVID-19 sa NCR ay bumaba na rin sa 0.97 o less than 1 noong Mayo 26.
Nabatid na ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga pasyenteng nagpo-positibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri, habang ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring hawaan ng isang pasyente ng COVID-19. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan ng virus.
Gayunman, sinabi ni David na nakapagtala sila ng bahagyang pagtaas sa hospital occupancy na mula sa 28.8% noong Mayo 21, ay naging 29.1% noong Mayo 28.
Idinagdag pa nito na base sa datos ng Department of Health (DOH), ang nationwide positivity rate sa bansa ay nasa 22.4% noong Mayo 29, na mas mababa sa 22.8% na nationwide positivity rate na naitala noong Mayo 27, 2023 lamang.