NCR, Central Luzon at Calabarzon, isinailalim sa Code White Alert ng DOH

By: Carl Angelo

Tatlong rehiyon sa bansa, kabilang na ang National Capital Region (NCR), Central Luzon at Calabarzon angi isinailalim ng Department of Health (DOH) sa Code White Alert simula Enero 6–10, 2025, bilang paghahanda para sa Traslacion 2025 ng Poong Itim na Nazareno, na idaraos sa Enero 9, 2025.

Sa isang pahayag nitong Martes ng hapon, sinabi ng DOH na ang alertong ito ay nagsisiguro na ang lahat ng itinalagang medical personnel, kagamitan, at pasilidad sa nasabing tatlong rehiyon ay nakaantabay upang mabilis na tumugon sa anumang emergency o insidenteng may kaugnayan sa kalusugan sa panahon ng malaking pagtitipong panrelihiyon.

Ayon sa DOH, sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya at Lokal na Pamahalaan ng Maynila, ay magtatalaga sila ng medical teams at mga health station sa mga pangunahing lugar ng ruta ng Traslacion, kabilang ang Quirino Grandstand, Rizal Park, SM Manila, Ayala Bridge, P. Casal, at Quinta Market.


Magtatalaga rin sila ng 201 tauhan mula sa Health Emergency Response Team (HERT) ng 20 ospital ng DOH sa Metro Manila, kabilang ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), Tondo Medical Center (TMC), Dr. Jose Fabella Memorial Hospital (DJFMH), at East Avenue Medical Center (EAMC).

Ang mga katuwang naman anila na ahensya tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), National Capital Region Police Office (NCRPO), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), at DOH Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ay magkakaroon din ng mahalagang papel upang matiyak ang koordinado at epektibong pagtugon sa kalusugan.


Ang mga itinalaga namang health station sa kahabaan ng ruta ng Traslacion ay magbibigay ng basic at advanced care, ayon sa pangangailangan.

May mga nakaantabay rin anilang ang mga ambulansya para sa agarang pagdadala ng mga pasyente sa ospital.


Samantala, ang mga pasilidad tulad ng JRRMMC, TMC, at iba pang ospital ng DOH sa NCR ay handang tumanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng mas masusing atensyong medikal.

Kaugnay nito, binibigyang-diin din ng DOH ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pag-iingat sa kalusugan at kaligtasan sa panahon ng Traslacion.

Hinikayat nito ang mga deboto na kung may ubo o sipon at hindi maganda ang pakiramdam, iwasan na muna ang magpunta sa Traslacion para hindi lumala ang kondisyon at mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Payo pa ng DOH, “Uminom ng walong basong tubig kada araw upang manatiling hydrated, magsuot ng komportableng damit, at limitahan ang matagal na pagkakalantad sa init upang maiwasan ang mga sakit tulad ng heat stroke.”

Ayon naman kay Health Secretary Ted Herbosa, “Ang taunang Traslacion ay panata na ng milyun-milyong mga Pilipinong deboto. Kasama niyo ang DOH sa pagtitiyak ng maayos na kalusugan at kaligtasan ng lahat. Kasama ang ating mga katuwang na ahensya, ang DOH ay handang tumugon sa anumang medical emergencies at magbigay ng agarang pangangalaga. Hinihikayat namin ang lahat ng debotong makipagtulungan, maging mapagmatyag, at unahin ang kanilang kalusugan sa makabuluhang pagdiriwang na ito.

Tags: Departmemt of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read