NBN-ZTE DEAL WHISTLEBLOWER JUN LOZADA, SUMUKO SA NBI

SUMUKO kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) si NBN-ZTE deal whistleblower Jun Lozada at ang kaniyang kapatid kaugnay ng hatol na guilty ng Supreme Court sa kanila ukol sa isang kasong graft na kanilang kinaharap.

Ito ay makaraang maglabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Rodolfo “Jun” Lozada at sa kapatid na si Jose Orlando.


Kamakailan ay pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na guilty sa magkapatid na Lozada sa kasong graft. Dito nahaharap sila sa pagkakulong mula anim hanggang 10 taon.

Partikular ito sa pag-award ni Lozada sa kaniyang kapatid sa ‘leasehold right’ ng nasa 6,599 ektaryang lupain ng gobyerno noong siya pa ang presidente at chief executive officer ng Philippine Forest Corporation (PhilForest) noong 2007.

Una nang sinabi ni Lozada na maaaring ang desisyon laban sa kaniya ay posibleng dahil sa ginawa niyang ‘expose’ sa Senado ukol sa kontrata sa broadband ng pamahalaan sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.


Sa mga pagdinig sa Senado noong 2007 hanggang 2008, nagbigay ng testimonya si Lozada na ibinulsa ng ilang opisyal ng pamahalaan ang milyon-milyong piso na lagay para maaprubahan ang broadband deal.

Iginiit ni Lozada na hindi siya nagsisisi sa kaniyang paglantad at pagtestigo para maisiwalat umano ang katotohanan sa taumbayan. Pinasalamatan rin niya ang lahat ng taong sumuporta at naniwala sa kaniya. (Jantzen Tan)


Tags: Jun Lozada

You May Also Like