By: JANTZEN ALVIN
Nagpadala na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) sa dalawang nang-molestiya diumano sa aktor na si Sandro Muhlach para magpaliwanag kaugnay sa reklamong inihain nito laban sa kanila.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nais nilang timbangin ang testimonya ng bawat panig upang malaman kung dapat na makasasuhan ang inirereklamo ng anak ni dating child star Nino Muhlach.
Hindi nagbibigay ng anumang detalye ang NBI bunsod na rin ng hiling ni Sandro na maging ‘confidential’ ang isinasagawang imbestigasyon.
Matatandaan na nagtungo sa NBI si Sandro, kasama ang kanyang ama na si Nino Muhlach, upang ihain ang pormal na reklamo.
Samantala ay hiniling naman ng mga contractors na si Jojo Nones at Richard Cruz, sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na si Maggie Abraham Garduque, na maibasura ng NBI ang reklamo laban sa kanila dahil anila, malayo sa sinasalamin ng katotohanan ang alegasyon ng aktor.
Naiulat na inireklamo umano ni Sandro na niyaya siya ng dalawa na magpunta sa kanilang kuwarto na ikinaila ng dalawa, kasabay ng pahayag na sa tamang venue sila magbibigay ng kanilang panig.














