Humingi ng paumanhin si National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo De Lemos, kaugnay sa nag-viral na sexy dancing sa ginanap na command conference ng ahensiya noong Hunyo 30.
“Una sa lahat, humihingi kami ng paumanhin dahil hindi namin intensyon makasakit ng damdamin ng ating kababaihan. Kung naging offensive man ang pagsasayaw na ito noong June 30 after ng command conference sa sensibilities ng ating mga mamamayan lalo na ating kababaihan humihingi po kami ng paumanhin, “ayon kay De Lemos.
Ipinaliwanag ni De Lemos na noong araw na iyon ay tapos na umano ang command conference at merong fellowship para magkaroon ng ‘bonding’ ang kanilang mga regional officers at mga national officers dito sa Manila.
Sinabi ni De Lemos na wala siya noong nangyari ang sayawan dahil dumating siya alas- 5:30 ng hapon noong magsisimula na ang fellowship at maaga rin umano siyang umalis.
Tiniyak naman ni De Lemos na pinaiimbestigahan na niya ang ‘sexy dancing’ incident para malaman kung sino ang nag-imbita, nagdala ng dancer at kung sino ang nagpahintulot na mag-perform sila sa NBI socials.
Aalamin umano niya kung sino ang dapat managot sa pagkakamali na iyon.
“Nais namin i-emphasize, we would like to stress, we will never tolerate indecency in the agency.Kung nandoon ako malamang napahinto natin ‘yung sumayaw na ito, “dagdag ng opisyal.
Papatawan umano ng parusa ang may pakana nito, alinsunod sa Civil Service rules at ng opisina.
Tiniyak din ni De Lemos na hindi na ito mauulit kung saan nadamay ang buong ahensiya sa pagkakamali.