Pormal nang isinilbi ang warrant of arrest laban kay Sarah Discaya, at sa pangulo ng St. Timothy Construction Corp. na si Roma Rimando, na parehong nahaharap sa mga kasong malversation at graft kaugnay sa P96.5 million ghost flood control project sa Davao Occidental.
Habang si Discaya ay pormal na sinilbihan ng arrest warrant ng National Bureau of Investigation (NBI) Huwebes ng gabi, si Rimando naman ay sinilbihan din ng warrant ng Philippine National Police (PNP) sa mismong tanggapan ng NBI sa Pasay City, kung saan siya nagpakustodiya sa ginawang boluntaryong pagsuko kamakailan at dinala sa NBI detention facility sa Muntinlupa City.
Ibiniyahe din si Discaya Biyernes ng hapon mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA )patungong Cebu City habang ine-escort ng NBI agents.
Si Rimando ay dinakip din Huwebes ng gabi habang nasa kustodiya ng Pasig Police, kung saan siya boluntaryo ring sumuko noong Disyembre 8.
Mananatili sa Pasig City Police Station si Rimando habang hinihintay din ang commitment order ng Lapu-lapu City RTC para ibiyahe rin sa Cebu gaya ni Sarah.
Noong December 8 ay nag-voluntary surrender umano si Rimando kasama ang abogadong si Atty. Cornelio Samaniego III, kung saan si naghintay ng kanyang warrant of arrest.
Dumaan na sa standard operating procedures si Rimando tulad ng pagkuha ng mugshots, booking process at medical examination, gaya ni Discaya.
Napag-alaman na ang malversation of public funds ay isang non-bailable offense kaya’t hindi sila maaring palayain kahit pansamantala lamang.














