NBI employee, nakapatay, arestado

By: Baby Cuevas

Arestado ang isang empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos barilin at mapatay ang isang lalaki na matagal nang nambu-bully sa kanya, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nasa kustodiya ng Manila Police District -homicide section ang suspek na si Rigor Almodobar, 55, nakatalaga sa NBI-Question Document Unit at taga Unit 192, Bldg 6 NHA, Dagupan Extension, Tondo, Maynila.

Nasawi naman dahil sa tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Elmer Resurrecion, nasa hustong edad at taga 734 Pampanga St. Tondo, Maynila.


Ayon kay PCapt. Dennis Turla, hepe ng MPD-homicide, naganap ang insidente alas- 9:45 ng gabi sa Pampanga Street.

Sa imbestigasyon,nakita sa CCTV na lumabas ng bahay ang biktima para maglakad at nang makita ang suspek sa kalsada na may kausap, nilapitan ito ng biktima at inakbayan.

Kasunod nito ay nagkasagutan na ang dalawa at maya-maya ay nagsuntukan. Dahil malaki ang biktima, binunot ng suspek ang kanyang baril hanggang mag- agawan sila ng biktima pero nagawa ng suspek na mapaputukan ito ng ilang beses hanggang sa bumagsak.

Sinabi umano ng suspek na matagal na silang may alitan ng biktima at malimit umano siyang binu-bully dahil mas malaki ito sa kanya.


Naisugod ang biktima sa Ospital ng Tondo pero idineklarang dead-on-arrival.

Naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng Hermosa Police Community Precinct at itinurn -over sa MPD.

Inihahanda naman ang kasong murder laban sa suspek na isasampa sa.Manila Prosecutor’s Office.


Tags: National Bureau of Investigation (NBI)

You May Also Like

Most Read