May 19 na araw na nagpalaboy- laboy sa Lansangan bago natagpuan ang isang 73- anyos na doktor na nawala sa may Carriedo sa. Sta. Cruz, Maynila noong Pebrero 4, 2024.
Sinundo na ng kanyang mga kaanak ang nasabing doktor na itinago lamang sa pangalang ‘Jay’ sa Plaza Miranda Community Precinct para iuwi na sa kanilang bahay.
Napag-alaman na umaabot hanggang sa Lawton at Intramuros, Maynila ang paghahanap ng mga pulis at kaanak nito pero bigo silang makita ang doktor.
Nagka -ideya umano si Capt. Rowel Robles, commander ng Plaza Miranda police, nang makita ang isang security guard na may pinapaalis na isang lalaki mula sa binabantayan nitong mall.
Inalam umano ni Robles ang pangalan ng pinapaalis na lalaki na sumagot ng “Jay.”
Dito na naisip ni Robles na baka ito ang hinahanap na nawawalang doktor kaya’t kaagad niyang kinontak ang mga kaanak nito.
Dumaranas umano ng dementia ang nasabing doktor at hindi nito naalala kung saan siya umuuwi kaya nagpalaboy-laboy na lamang ito sa nasabing lugar.














