KINUMPIRMA ng Philippine Navy na nag- crashland ang isa nilang Agusta Westland AW-109 kahapon ng umaga sa Sangley Airport sa Cavite habang nagsasagawa ng training and maintenance flight .
Ayon kay Commander John Percie Alcos, tagapagsalita ng Philippine Navy, bandang alas-10:18 ng umaga nang mag-crash ang kanilang Naval Helicopter NH432 sa Sangley Aerodrome.
“This is to confirm that one of our AW-109s crashed early this morning (kahapon) around 10:18 a.m. at the Sangley Airport,” aniya.
Sugatan subalit nasa maayos nang kalagayan ang dalawang piloto nito at tatlong crew members na nagtamo ng mga sugat at galos, matapos silang dalhin sa 15th Strike Wing Hospital para sa ‘medical evaluation.’
“Okay naman sila [mga sakay]. One is being treated for leg injuries pero hindi naman severe,” ani Alcos.
Ayon sa ulat, lumipad ang e AW-109 helicopter ng Phil. Navy mula Sangley Airport para magsagawa ng ‘functional check flight’ matapos na makumpleto nito ang 400-hour scheduled maintenance inspection.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad para malaman ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing chopper.
Inaasahan naman ng pamunuan ng Naval Air wing na pansamantalang ‘grounded’ muna ang kanilang mga Agustawestland AW109 Helicopters.
“We haven’t received word from the Naval Air Wing yet, pero I think based on protocols, ginaground natin ang mga aircraft natin except for those na operationally kailangang-kailangan sa area,” dagdag pa ng Navy NPAO.
Samantala, matapos na maalis ang nasirang choppers sa runway ay balik na sa normal operation ang paliparan.
Ito ay matapos na ihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippine (CAAP) na, “all landing and take-off operations at Sangley Airport have been suspended, effective 10:18 AM today, due to a disabled military aircraft on the runway.”