Latest News

Nationwide mall voting sa 2025, target ng Comelec

By: Jaymel Manuel

Target ng Commission on Elections (Comelec) na makapagdaos ng nationwide mall voting sa taong 2025.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia nitong Linggo na sa idaraos na October 30Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ang mall voting ay isasagawa lamang sa 10 lugar, kabilang dito ang walong malls sa Metro Manila at tig-isa sa Cebu at Legazpi City.

Gayunman, sa halalan aniya sa taong 2025 ay nais nilang maisagawa na ang mall voting sa buong bansa.

Aniya, nasa 400 hanggang 500 ang malls sa buong bansa kaya’t kung maisasagawa ang mall voting ay maaaring hindi na kailanganin pang gawing poll centers ang mga paaralan at hindi na maiistorbo ang pag-aaral ng mga bata.

Paniniguro ni Garcia, libreng ipagagamit ng mga mall owners o operators ang kanilang malls para sa halalan.

“…lahat po ng mga pasilidad, kahit mga gamit at mga tao nila, ay ipinapagamit po sa atin nang libre,” ayon pa kay Garcia, sa panayam sa radyo.

Una nang nagsagawa ng simulated mall voting sa apat na lugar ang Comelec nitong Sabado.

Maganda aniya ang feedback na natanggap nila mula sa mga participants, na nagsabing, napakasarap ng kanilang karanasan dahil naka-aircon sila kahit nakapila.

Naging maayos at mabilis rin umano ang pagpunta ng mga ito sa mismong lugar ng mall voting at kontroladong-kontrolado nila ang seguridad ng mga ito.

Tags:

You May Also Like

Most Read