Tumaas na muli ang naitatala ng Department of Health (DOH) na nationwide COVID-19 positivity rate sa bansa.
“Yes, we can say na tumataas po ang positivity rate ng COVID-19 sa ating bansa,”ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan.
Ayon kay Vergeire, mula sa dating 6.9% lamang noong nakaraang linggo ay umabot na ang positivity rate sa bansa ngayon sa 7.6% na mataas aniya, kumpara sa five-percent threshold para sa COVID-19 positivity rate na itinatakda ng World Health Organization (WHO).
“From 274 cases per day last week, ngayon nasa 371 cases per day tayo,” dagdag ni Vergeire.
Sinabi ni Vergeir na gayunman, ang positivity rate ay hindi dapat na gamiting sole indicator upang sukatin ang sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas.
Kaugnay nito,nalaman kay Vergeire na bumababa ang demand para sa laboratory testing dahil mas marami nang tao ang gumagamit na lamang ng antigen tests o mas pinipiling mag-self-isolate upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Tinukoy pa ni Vergeire ang pagtaas ng mobility ng publiko, lalo na at katatapos lamang ng Mahal na Araw, at mas marami pang sektor ang nagbukas na rin sa ngayon.
Samantala ay tiniyak naman ni Vergeire na nakahanda ang health system ng bansa sakaling magkaroong muli ng panibagong surge ng COVID-19.














