Latest News

Villanueva sa DMW: Paigtingin ang laban kontra online illegal recruitment

By: JANTZEN ALVIN

Nanawagan si Senador Joel Villanueva para sa agarang aksyon ng pamahalaan laban sa online illegal recruitment, kasabay ng pagpapahayag ng pagkabahala sa lumalawak na paggamit ng mga digital platform ng mga mapagsamantalang recruiter upang linlangin ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.


Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Migrant Workers (DMW), sinabi ni Villanueva na karaniwang nakatatanggap ang kanyang opisina ng mga sumbong tungkol sa online illegal recruitment.

Binigyang-diin niya na ang pagsisikap ng pamahalaan ay dapat lumampas sa pagpapasara o pagpapatanggal ng mga pekeng post at dapat magpokus sa pagtugis sa mga taong nasa likod ng mga ganitong uri ng panloloko.

“Prevention, prosecution, conviction. Kailangan nating mas paigtingin ang campaign natin against online illegal recruitment,” sabi ni Villanueva.


Binanggit niya ang datos kung saan 87,011 online scam posts ang tinanggal noong 2025, habang 44,079 ang inalis sa unang semestre ng 2026.

Gayunpaman, ipinunto ng senador na ang bilang ng mga pagtanggal ng nilalaman ay dapat tapatan ng mas matinding pagsisikap sa pag-uusig at paghatol. Aniya, siyam lamang ang nahatulan para sa online scam noong 2025 at apat lamang sa unang kalahati ng 2026, batay sa mga numerong tinalakay sa pagdinig.




“Makita pa lang natin dito sa figures, talagang ito iyong pinagkakaabalahan ng mga kawatan. But of course, ibang istorya na itong conviction,” sabi ni Villanueva, principal sponsor at author ng DMW Act.

“I really think we have to do more dito sa campaign natin against online illegal recruitment,” dagdag niya.


Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia sa pagdinig na isa sa mga pinakabagong modus operandi ng mga online illegal recruiter ay identity theft, kung saan nagpapanggap ang mga scammer bilang mga lehitimo at lisensyadong recruitment agency.

Dagdag pa ni Olalia, maaaring maging partikular na mahirap matukoy ang ganitong scheme o panloloko dahil ang ahensyang ginagaya ay maaaring kabilang mismo sa opisyal na listahan ng mga lisensyadong recruitment agency ng gobyerno.

Pinayuhan din niya ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na personal na pumunta sa pangunahing opisina o sa awtorisadong sangay ng isang lisensyadong recruitment agency, direktang makipag-usap sa mga awtorisadong tauhan nito, at iwasan ang pagbabayad gamit ang digital wallet o iba pang online payment facilities.


Binigyang-diin din ni Villanueva ang pangangailangan para sa mas masusing koordinasyon sa pagitan ng DMW at ng iba pang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa imigrasyon at pagpapatupad ng batas, partikular na kapag ang mga pinaghihinalaang network ng illegal recruitment o trafficking ay maaaring may kasangkot na mga insider o tauhan ng gobyerno.

Sa pagdinig, tinukoy ni Villanueva ang isang ulat noong Setyembre 17 tungkol sa napaulat na pag-aresto ng NBI sa isang opisyal ng imigrasyon na diumano’y sangkot sa pagpapalabas ng limang potensyal na biktima ng human trafficking na papuntang Thailand, kahit na kulang ang kanilang mga dokumento sa pagbibiyahe, kapalit ng umano’y bayad na ?40,000 bawat pasahero.

Ipinapakita ng mga ganitong kaso ang kahalagahan ng mas matibay na pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tuluyang masira ang recruitment at trafficking networks.

“Kung may mga networks na gumagamit ng legitimate identities, online platforms, o kung may mga insiders na sangkot, kailangan coordinated ang response ng government para matukoy at mapanagot ang mga nasa likod nito,” ani Villanueva.

Malugod ding tinanggap ng senador ang pinaigting na mga operasyon ng DMW laban sa mga ilegal na recruiter sa mga rehiyon.

Iniulat din ni Olalia na nagpapatupad ang DMW Migrant Workers Protection Bureau at kanilang mga regional office ng 19 closure at 19 entrapment cases. May 16 na conviction naman ang naitala na may kaugnayan sa illegal recruitment at trafficking.

Binigyang-diin ni Villanueva na ang mga lehitimong programa ng pamahalaan ay hindi dapat maging oportunidad para pagsamantalahan ng mga illegal recruiter ang mga nagnanais na maging migrant workers.

“The fight against illegal recruitment is a fight for our workers’ safety and future. We must protect Filipinos from syndicates using technology to deceive and exploit them,” saad pa ni Villanueva.

Tags: Senador Joel Villanueva

You May Also Like

Most Read