PINATIGIL na ang ginagawang pagbusisi ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) 990 sa kaso ng nasamsam na 990 kilos ng shabu na kinasasangkutan umano ng mataas na opisyal ng Philippine National Police .
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kasunod na rin ng pagretiro sa serbisyo ng hepe ng SITG 990 na si Police Major General Eliseo Cruz.
Inihayag ni Acorda na sa halip na task force ng PNP, magkasama nang magsasagawa ng pagsisiyasat ang PNP at National Police Commission patungkol sa pinagmulan ng 990 kilos ng shabu at kung sino pang opisyal ang posibleng sangkot.
Magugunitang may 50 PNP officers ang sinampahan ng kaso kaugnay sa halos isang toneladang shabu na nakuha sa isang lending company na binabantayan ng isang pulis
Nabatid na nagpapatuloy pa rin ang pangangalap ng impormasyon sa pinakamalaking shabu haul sa kasaysayan ng bansa.
Sa kasalukuyan ay may 69 kaso na ang naisampa sa mga personalidad na idinadawit sa P6.7 billion shabu raid sa Maynila partikular sa lending shop na pagmamay ari ng sinibak na si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo.
Magugunitang sa isinagawang senate at congressional inquiries ay lumilitaw ang kapuna punang tila buhol-buhol na kuwento ng mga opisyal ng Philippine National Police na may kinalaman sa pagkakasabat sa may 990 kilo ng hinihinalang shabu noong nakaraang taon.
Una nang sinabi ni Interior Secretary Benjamin Abalos, Jr. na naniniwala siyang marami pang kasabwat na opisyal .
Matatandaang nasibak sa serbisyo si dating PMSgt. Rodolfo Mayo, Jr. dahil sa pagkakasangkot sa nasabing malaking halaga ng iligal na droga subalit hindi ito mapaamin kung sino ang kanyang mga kasabwat at saan nagmula ang 990 kilo ng shabu na nakuha ng mga awtoridad.














