NA-DELAY ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., patungong South Cotabato nang magka-aberya sa ere ang sinasakyan nitong G280 twin-engine business jet at magpasya ang piloto na ibalik ito sa base para masuri.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Air Force, nakasaad na: “The G280 command and control aircraft that flew this morning (kahapon) with the President onboard had to return to base a few minutes after takeoff due to a minor technical issue on the aircraft’s flaps operations.”
“ It is nothing serious, but since the PAF maintains the highest standards of flight safety, the pilots decided to do a precautionary return to base and have the aircraft thoroughly checked. There was a ready backup aircraft, which is a C295, and so the presidential movement was resumed immediately,” sa ibinahaging statement ni Col. Ma Consuelo Castillo, PAF spokesperson.
Dahil dito, nagkaroon ng delay sa biyahe ng Pangulo at kinailangang maghintay ng ilang oras ang mga magsasakang kakausapin sana ni PBBM sa lalawigan ng South Cotabato hinggil sa modern rice production program, nang magkaroon ng “technical issues” ang sinasakyang eroplano.
“Humihingi ako ng paumanhin sa inyo dahil pinag-antay ko kayo ng ilang oras. Mukhang ginugutom na kayo,” bungad ni Marcos sa mga nag aabang na magsasaka sa gaganaping paglulunsad ng South Cotabato consolidated rice production at mechanization program.
Kinumpirma ni Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil na nagkaroon nga ng “technical issue” sa eroplanong sinasakayan ng Pangulo kaya napilitang silang bumalik sa Villamor Airbase sa Pasay City at gumamit ng ibang eroplano.
Bukod dito, pangungunahan din ng pangulo ang Kadiwa ng Pangulo at distribusyon ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan at sasabayan rin ng jobs fair.
Plano ng Pangulo na pagkatapos ng mga aktibidad sa South Cotabato ay didiretso ang pangulo sa lalawigan ng Albay.
Bibisitahin ng Pangulo ang dalawang evacuation centers kung saan nanatili ang mga nagsilikas na residente dahil sa paga-alburoto ng Bulkang Mayon. Ang evacuation centers na ito ay sa mga Munisipyo ng Guinobatan at Malilipot
Magsasagawa rin ng situation briefing ang Pangulo sa Albay Astrodome sa Old Albay District, Lungsod ng Legazpi.