NAGPAABOT ng pakikiramay at pakikiisa si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa naganap na Pentecost massacre noong Hunyo 5 sa Nigeria.
Kasabay nito ay kinondena ni Cardinal Advincula ang karahasang naganap sa St. Francis Xavier Church kung saan nasa 50 katao ang nasawi kabilang na ang ilang kabataan.
“Kaisa ng buong Archdiocese of Manila, ipinapaabot ko ang ating pakikiramay sa mga pamilya ng mga pumanaw dahil sa kahindik-hindik na pag-atake sa Saint Francis Church sa Owo, Nigeria noong Linggo ng Pentekostes, ika-5 ng Hunyo. Nakikiisa ako sa lungkot at dalamhati na nadarama ng kanilang sambayanan. Ipagkatiwala natin sa awa at pag-ibig ng Diyos ang mga yumao nating kapatid,” ayon kay Cardinal Advincula.
Nalaman na pinagbabaril ng mga suspek ang mga dumalo sa Pentecost Mass sa nasabing simbahan sa Owo, Ondo State Nigeria.
Ikinalungkot ni Cardinal Advincula na sa mismong araw na ginunita ng simbahan ang pagpanaog ng Espiritu Santo kung saan kaakibat nito ang grasya ng kapapayapaan, katarungan at pagkakaisa ay nangyari ang karahasan sa loob ng tahanan ng Panginoon.
Samantala, sinabi naman ni Kaduna Archbishop Matthew Man-Oso sa Aid to the Church in Need, bigo umano ang pamahalaan ng Nigeria na pamunuan ang bansa dahilan ng pamamayani ng rebeldeng Boko Haram na naghahasik ng iba’t ibang uri ng karahasan sa bansa.
Unang nagpaabot ng panalangin at pakikiisa ang Santo Papa Francisco sa pamilya ng mga biktima ng masaccre at nanawagan rin ng husyisya sa mga nasawi at nasagutan. (Baby Cuevas)