Ni MARK ALFONSO
NANINDIGAN ang Senado sa kanilang pangakong P150 legislated wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor na kailangan nang ipatupad sa bansa.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na tiwala siya na pakikinggan ng Senado ang panawagan wage increase ng mga Pilipinong manggagawa base sa pinakahuling Pulse Asia nationwide survey.
Tiniyak din ni Zubiri na tutuparin ang kanilang mandato na isulong ang kanilang kapakanan.
“Yan ang kailangan nating tutukan at pangako ko po yan. The Senate will make a stand on this issue. Alam ko maraming magagalit sa ating mga negosyante, but share-share lang. Kailangan din po nilang magshare ng biyaya sa ating mga manggagawa,” pahayag ni Zubiri.
Gayunman, nakikitang problema niya ang economic team ng Pangulo na tutol kapag itinutulak ang wage hike.
“Isa ang problema natin, ang economic team ng ating Pangulo. Medyo kumokontra palagi yan kapag itinutulak natin ang wage hike, pero kailangan na talaga,” anang Pangulo ng Senado.
“Sa ibang bansa ay nag-umpisa na po sila. Dati ang sabi nila we are the second highest wage in Southeast Asia. It’s no longer true. Inangat na po ng Malaysia ang kanilang minimum wage to about P880 a day. Ang Indonesia inakyat na nila sa P810 ang kanilang minimum daily wage,” punto pa ni Zubiri.
“They can look it up. Nasa internet, kapag ginoogle mo lalabas doon ang minimum wage ng mga bansang yun. Ang balita ko pati Vietnam na katumbas natin, pati Vietnam daw dahil umaalma na ang mga tao doon. They are very hardworking, napakalaki po ng ekonomiya nila pero mababa raw ang kanilang salaries, tumataas ang inflation sa Vietnam.” “They are looking at increasing their minimum daily wage so wag naman po tayong mahuli pa. Napakarami sa ating mga kababayan ay hirap na hirap na sa buhay nila,” pagtatapos niya.
Base sa resulta ng isinagawang Pulse Asia survey lumabas na nasa 97 porsiyento ang pabor habang 2 % naman ang tutol sa tanong na “Are you in favor or not in favor on the proposal to increase the daily minimum wage by P150 in the private sector nationwide? Pabor ba kayo o hindi kayo pabor sa pag-increase o pag-akyat ng inyong sahod na P150 a day sa mga pribadong sektor?”














