NAGKAROON ng matinding tensiyon sa pagsisilbi ng arrest order na inisyu ng Sandiganbayan Fifth Division laban kay Senator Jinggoy Estrada para sa kasong plunder.
Ito ay nang tangkaing pigilan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ipatupad ang pagdakip kay Estrada sa loob ng Senado, at sinubukang ipilit na samahan nya ito palabas ng gusali kung saan maari umanong isagawa ang pagdakip.
Dumating ang CIDG team hapon ng June 1, 2026 at dakong 3:30 p.m. naman nang dumating si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla upang personal na pangasiwaan ang implementasyon ng nasabing arrest order.
Sa puntong iyan nagkaroon ng palitan ng salita sina Remulla at Cayetano, kung saan sinabi ni Cayetano na hindi pa nangyaringmay inaresto sa Senate premises, na sinagot naman ni Remulla na ang nasabing ‘pribilehiyo’ ay nawala nang makatakas si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa habang dapat sana ay nasa ilalim ng ‘protective custody’ ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano, na nagbigay pa umano ng katiyakang hindi ito aalis ng Senado.
Binanggit ni Remulla na habang sinabi ni Cayetano na maging nung panahon ni Jovito Salonga ay pinrotektahan nito si Juan Ponce Enrile, sinagot niya ito ng: “I told him that Sir, I’m sorry. You lost that privilege when Bato escaped.”
Matatandaang nitong Mayo 11, dumating bigla si Dela Rosa sa Senado upang lumahok sa pagpapalit ng liderato kung saan natanggal sa pagka- Senate president si Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Aarestuhin sana si Dela Rosa ng National Bureau of Investigation (NBI) subalit itinulak umano ni Dela Rosa ang dalawang babaeng agents na magsisilbi ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC) at saka mabilis na tumakbo patungong session hall.
Ang mayorya na pinamumunuan na ni Cayetano noon ay naglabas ng resolution na inilalagay si Dela Rosa sa ‘protective custody’. Maya-maya pa, may naganap na putukan ng baril na lumikha ng kaguluhan.
Nagawang umalis ni Dela kasama at sakay ng kotse ni Senator Robin Padilla.
Ayon kay Remulla, si Estrada ay dinakip at hindi kusang sumuko. Binasahan ito ng kanyang karapatan bago dinala sa CIDG headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Doon ay sumailalim ito sa normal na booking procedures kung saan siya ay kinunan ng mugshots at fingerprints at sumailalim sa mandatory medical examination.
Ang panibagong kasong plunder ni Estrada ay nag-uugat sa diumano ay pagkakasangkot niya sa isang corruption scheme na nagkakahalaga ng P573 million mula sa kickbacks galing sa flood control project budget insertions.














