Mahigpit na nananawagan si Sen. Erwin Tulfo sa paglikha ng plano para sa mga OFW na naudlot ang pag-alis dahil sa tensyon sa Middle East.

‘RECOVERY PLAN’ PARA SA MGA OFW NA NAUDLOT ANG PAG-ALIS DAHIL SA MIDDLE EAST AIRSTRIKES, IPINANAWAGAN NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

IPINANAWAGAN ni Senate Foreign Relations Panel Chairman Erwin Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maglatag ng recovery plan para sa mga Pilipinong nakatakda sanang lumipad patungong Middle East upang magtrabaho ngunit naudlot dahil sa paglala ng tensyon sa rehiyon.

“Habang tayo ay nag-aalala sa ating mga kababayan na naipit sa gulo sa mga bansang apektado ng airstrikes sa Middle East, nananawagan tayo sa DMW at OWWA na bigyan din ng pansin ang mga Pilipinong papunta pa lamang sana sa ibang bansa upang magtrabaho, ngunit nanatili sa Pilipinas dahil sa nangyayaring gulo sa rehiyon,” ani Tulfo.


“Karamihan sa mga kababayan nating ito ay mula pa sa probinsya. Gumastos na sila para sa mga requirements sa pagbabakasakali na makakuha ng maayos na oportunidad sa Middle East,” dagdag pa niya.

Binanggit ng Senador ang mga ulat ng balita kung saan isinalaysay ng mga first-time Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa mga probinsya ang abala at epekto ng airstrikes sa Middle East sa kanilang nakatakdang trabaho sa ibang bansa.

Ayon sa mga OFW na patungo sana sa Middle East, wala pang inilalabas na abiso ang mga ahensya ng pamahalaan upang tugunan ang kanilang sitwasyon, at wala pa ring malinaw na plano ang kani-kanilang recruitment agencies hinggil sa kanilang deployment.


Bilang sponsor ng budget ng DMW at OWWA para sa 2026, iminungkahi ni Tulfo ang paggamit ng P2 bilyong Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund upang makapagbigay ng tulong sa mga apektadong OFW.

“Nananawagan po tayo sa DMW na bigyang kahalagahan ang ating mga OFW na apektado ng krisis na ito bilang bahagi ng ating pagprotekta sa ating mga manggagawa,” aniya.




“Dapat ibigay natin ang lahat ng remedyo na pwede nating ibigay sa ating mga kababayan. Di lamang sa pinansyal na aspeto kundi maging ang kanilang mental health,” dagdag pa nito.

Sa pagsisimula pa lamang ng “major combat operations” ay agad na nagbigay ng pahayag si Sen. Erwin Tulfo: “My office is continuously in touch with the Department of Foreign Affairs and the Department of Migrant Workers in activating measures without delay, including the preparation and implementation of immediate repatriation plans for those who wish to return home.”


Tags: Sen. Erwin Tulfo

You May Also Like